ANGELES CITY — Malalaman ni Navy-Standard Insurance rider Rudy Roque ang tsansa nila sa tatlong susunod na stages sa LBC Ronda Pilipinas 2017 edition.
Hawak ang overall lead matapos ang dalawang sunod na segundo sa Stages One at Two sa Vigan, ayon kay Roque ay magkakaalaman pagkatapos ng tatlong stages na may mga akyatan.
“‘Pag nasa itaas pa rin kami pagkatapos ng tatlong stages, masasabi na natin na malaki ang tsansa natin ngayong taon,” saad ng tubong Tibo, Bataan na si Roque.
Isusuot ni 25-year-old Roque ang LBC red Jersey simbolo ng overall lead pag-arangkada ng Stage Three 137-km Angeles-Subic bukas. Sa Huwebes pasisibatin ang Subic-Subic Stage Four na may distansyang 111-km.
Nakapagtala si Roque ng aggregate time na 5 hours, 3 minutes at 3 seconds, segundo at tersero puwesto ang teammates na sina Ronald Lomotos at Archie Cardana na may oras na 5:03:23 at 5:03:31.
Limang minuto ang lamang ni Roque sa kakampi nitong si defending champion Jan Paul Morales na bumagal dahil sa higpit ng bantay sa kanya sa Stage 1.
Humarurot si Morales sa Stage Two criterium kaya mula sa 23rd ay tumalon siya sa No. 17 (5:08:11). Ang karibal na si Kinetix Lab-Army rider Cris Joven ay No. 18, (5:08:18).
Laan sa magkakampeon ang P1 milyong premyo mula LBC at ibang sponsors MVP Sports Foundation, Petron, Mitsubishi, Versa.ph, Partas, Maynilad, Standard Insurance, CCN, Bike Xtreme, NLEX, PhilCycling at 3Q Sports Event Management.