Balak sana umano ng isang 58-anyos na magsasaka na mula sa Samar na sorpresahin ang kanyang 10 taon ng kinakasama at ina ng kanilang dalawang anak kaya’t hindi nito ipinaalam ang kanyang pag-uwi, subalit siya ang nasopresa nang kanyang maabutan ang ka-live in na nakikipagtalik sa ibang lalaki sa loob mismo ng kanilang bahay, kaya kapwa niya ito pinatay kahapon ng madaling-araw sa Quezon City.
Sa inisyal na report kay QCPD Director Chief Supt. Guillermo Lorenzo Eleazar, ni PO3 Arvin Oballo, ng Batasan Police Stn.6, nakilala ang mga biktima na sina Marilou Bulat-ag, 41, volunteer member ng Barangay Public Safety Office (BPSO) ng Brgy. Commonwealth, at kalaguyo nito na si Junie Guilas Jr., 27, naninirahan sa Bldg.10-MRB Compound, Pilot Area, Brgy. Commonwealth.
Nagtamo ang mga biktima ng mga saksak ng gunting sa iba’t ibang parte ng kanilang katawan na kanilang ikinasawi.
Wala namang bahid ng pagsisi at kusang loob pang sumuko sa pulisya ang suspek na nakilalang si Bernardo Tolitol y Espera, 58, tubong Bobon, Northern Samar at naninirahan sa Unit 2415 Bldg.24, MRB, Brgy. Commonwealth, Quezon City.
Nabatid na nangyari ang krimen dakong ala-una ng madaling-araw sa loob ng bahay ng mag live -in partner.
Ayon sa suspek galing siya sa probinsya sa Bobon, Northern Samar kung saan ito nagsasaka. Sadyang hindi umano ipinaalam ng suspek kay Bulat-ag ang kanyang pag-uwi dahil gusto niya itong surpresahin.
Subalit siya ang nasopresa nang pagsilip niya sa bintana ng kanilang bahay ay nakita niya na nakikipagtalik ang kanyang ka-live in sa isang lalaki.
Dahil dito ay puwersahang pumasok ang suspek sa naka-padlock na pintuan ng kanilang bahay kung kaya nakapagdamit pa ang ang mga biktima.
Nang makapasok ang suspek ay sinalubong umano siya ng suntok ng kalaguyo ng kanyang ka-live in kaya nang mahagilap niya ang gunting ay pinagsasaksak niya ang biktima hanggang sa mamatay.
Dumilim na umano ang paningin ng suspek sa ka-live in kaya tinadtad din niya ito nang saksak sa iba’t ibang parte ng kanyang katawan hanggang sa tuluyang bumulagta sa sahig.