Magkapatid, maglalaban din sa pagka-mayor sa isang bayan sa Norte

bubwit-ni-deo-macalma

Alam ninyo bang hindi lang sa Makati may magkapatid na parehong gustong magserbisyo sa kanilang bayan at maglalaban sa pagka-mayor sa eleksyon. Ang petmalu ninyo.

Ayon sa aking bubwit, maglalaban sa pagka-mayor sa kanilang ba­yan ang magkapatid na lalaki’t babae matapos silang mabigong magkaayos kung sino ang magbibigay-daan para isa na lang sa kanila ang mapuwestong mayor.

Yes mga pare at mare, ganyan ka­tindi ang kagustuhan nilang maglingkod sa bayan at sa kanilang mga kababayan, totoo kayang mas uunahin nila ang kanilang mga kababayan kaysa sa pagkakaisa ng pamilya. Kapareho ng kuwento nila ang istorya ng magkapatid na Makati Mayor Abby Binay at dating Makati Mayor at kanyang kuya na si Junjun Binay na magbabanggaan sa halalan dahil walang gustong magbigay-daan sa kanila.

Ayon sa aking bubwit, ang babae ang unang naging mayor at naka-tatlong term na siya kaya ipinasa muna sa kapatid niyang lalaki ang paglilingkod sa kanilang mga kababayan. Ang siste eh nakakaisang term pa lang si utol ay nagsabi na si ate na babawiin na niya ang tronong pinahiram sa utol.

Kaya lang, ayaw pumayag ni utol na lalaki at humirit na isang termino pa. Dito na sumiklab ang iringan na nauwi sa pagmamatigasan ng magkapatid at ngayon ay aabot na talaga sa aktuwal na bakbakan sa balota sa Mayo 2019.
Ayon sa aking bubwit, may isa pang lugar sa norte, sa Ilocos, na magkapatid din ang maglalaban sa pagka-mayor sa kanilang bayan, pero sa ibang column na natin ito ibubuga hehe.

Ang mayor na ayaw ibalik ang trono sa kanyang kapatid ay si Ma­yor Danny Aguinaldo ng bayan ng Sta. Praxedes, Cagayan Province at ang utol niyang susubukang agawin ang kanyang trono ay si dating Mayor Esterlina Aguinaldo.