Magkapatid ni-rape ng albularyo sa motel; buntis ‘di pinatawad

Inaresto ng mga pulis ang isang lalaking faith healer matapos ireklamo ng magkapatid na pasyente dahil sa umano’y pangmomo­lestiya at panggagahasa sa kanila sa Naic, Cavite.

Nakakulong ngayon­ sa Naic Custodial Center ang suspek na si Arturo ‘Jesus Man’ Solon at nahaharap sa kasong Rape at Rape by Sexual Assault.

Sa ulat ni PMSg. Marjorie Abad Brondial, ng Childrens and Womens Desk ng Naic Municipal Police Station, ala-1:30 at ala-1:45 kamakalawa ng hapon nang naganap ang umano’y pangmomolestiya ng albularyo sa loob ng Paradise Motel sa Brgy. Tabang ng naturang bayan.

Ayon sa magkapatid na pasyente na itinago sa mga pangalang Margie, 23 at Cherry, 27, dinala sila ng suspek sa loob ng nasabing hotel upang doon isagawa ang panggagamot dahil sa umano’y kinulam ang mga ito.

Unang pumasok si Margie. Makalipas ang ilang minuto ay lumabas ito at sumunod naman si Cherry na med­yo inabot ng matagal sa panggagamot.

Nabatid na ang naaala na lamang ng magkapatid ay pinasakay sila ng assistant ng faith healer at nakaramdam umano sila ng pananakit ng ari at katawan.

Sinabi ni Brodial na ipinasok umano ng suspek ang mga kamay nito sa ari ni Margie na umano’y buntis subalit ginahasa umano niya si Cherry.

Itinanggi naman ng suspek ang akusasyon ng dalawa subalit inamin na ginamot niya ang magkapatid sa nasabing lugar.

Sinabi rin ng faith healer na bahagi ng kanyang panggagamot na mahawakan ang katawan ng kanyang mga pasyente.

Si Solon ay may sariling You Tube channel noong pang 2019 na may mahigit 129 subscriber at may 2.2 million views sa isa sa kanyang ginamot na lumaki ang tiyan. (Gene Adsuara)