Wala pang listahan na ipinalalabas pero tingin ng marami ay makikita na ang mga kabayong puwedeng maglaban sa darating na Presidential Gold Cup sa Disyembre 10 sa MetroTurf kapag umarangkada ang unang leg ng Philracom 4-Year-Old and Above Stakes Series ngayong Linggo na iho-host ng Metro Manila Turf Club.

Sa hanay ng 4-year-old and above nakukuha ang mga posibleng sasali sa malaking pakarera ng PCSO sa Disyembre lalo’t maganda ang pagkokondisyon sa kanila buong taon.

***

Sa Linggo din sa MetroTurf Racing Complex ang Cong. Lito Atienza Cultural Arts Foundation Trophy Race na may nakakargang P200,000 at tropeo para sa mananalo.

Natutuwa si MMTC chairman at president Dr. Norberto Quisumbing Jr. at nagpapasalamat din kay Cong. Atienza sa kanyang pagpili sa MetroTurf Racing Complex para sa kanyang malaking pakarera.

***

Darating ang oras at muling magkikita ang dalawang imported na mahigpit na magkaribal sa isang malaking karera.

Ang tinutukoy natin ay sina Sakima at Ato­micseventynine na parehong nagpakitang gilas sa kanilang mga panalo noong nakaraang buwan.

Nagpagpag lang si Sakima ng konting pawis sa isang regular na karera pero mas mabigat ang performance ni Atomicseventynine nang talunin niya ang mabibigat na locals na nakalabang sina Kanlaon, Manalig Ka, Lakan, Skyway, Malaya at Hot And Spicy.

***

Isang beteranong horse owner ang hindi raw makalimutan ang kanyang experiences sa isa sa kanyang trainers.

Paano raw makakalimutan kung ganung niloko ka nang husto at pagdating sa pera ay hindi mo raw dapat na pagkatiwalaan. Matagal na niyang binitawan ang trainer at ‘di hamak na tiwala siya sa kanyang trainer ngayon dahil bukod sa mabait at mapagkakatiwalaan ay naghahatid pa raw sa kanya ng suwerte at panalo.