Halos nagkalasog-lasog ang katawan ng magkapatid na Korea­no nang matagpuan ang bangkay ng mga ito sa harapan ng isang hotel na kanilang tinutuluyan kung saan inaalam pa ng pulisya kung nahulog ba ang mga ito o tumalon kahapon nang umaga sa Makati City.

Sa inisyal na imbestigasyon, alas-5:45 ng umaga nang matagpuan ang bangkay ng mga biktima sa tapat ng tinutuluyan nilang hotel sa Kalayaan at Makati Avenue.

Habang nagpapatrulya ang mga pulis sa naturang lugar ay bigla silang nakarinig ng malakas na kalabog. Nang tignan ay tumambad sa kanila ang bangkay ng mga biktima.

Inaalam pa ng pulisya ang insidente kung ang mga ito ay aksidenteng nahulog o tinulak.

Aalamin din kung ang dalawang biktima ay nagtatalo nang maganap ang insidente kaya bubusisiin din ng pulisya ang close circuit television (CCTV) ­camera kung nahagip ito.