Magnolia kampeon ng Governors Cup! Tumilaok na

Tuluyang hinablot ng Magnolia Ang Pambansang Manok ang ika-14 nitong korona matapos paluhain ang Alaska Aces 102-86 sa Games 6 kagabi upang angkinin ang korona ng 2018 PBA Governors Cup sa Ynares Center sa Antipolo City.

Agad na iniwanan ng determinadong Hotshots sa unang yugto pa lamang sa paghulog ng 32 puntos habang nilimita ang Aces sa 18 puntos lamang upang kontrolin ang ikaanim na laro at sandigan tungo sa pagsungkit sa una nitong koroma matapos na huling mag-grand slam noong 2014.

Nakipagpalitan ang Hotshots sa kabuuan ng ikalawang yugto sa 28-24 iskoran upang makalamang pa sa pagtapos ng hati bago na lamang tuluyang pinigilan ang Aces sa ikatlong yugto tungo sa pagsungkit sa korona at tighawin ang apat na taong pagkauhaw sa kampeonato.

Nagawang alagaan na lamang ng Hotshots ang malaking abante na itinayo sa second half upang tuluyang makuha ang matamis na panalo at tapusin ang kanilang best-of-seven finals series sa ikaanim na laro, 4-2.

Hinawakan agad ng Pambansang Manok Magnolia ang 18-puntos na kalamangan sa 60-42 sa halftime bago tuluyan na pinaluha muli ang Aces sa ikalimang sunod na pagtuntong sa kampeonato.

Pinangunahan ni import Romeo Travis ang Magnolia sa 32 puntos, 17 rebounds, anim na pasa at tatlong agaw. Sinundan siya ni Ian Sangalang at Paul Lee na may tig-16 puntos habang 13 ang iniambag ni Mark Barroca.

Nangalabaw si Mike Harris para sa Alaska ng 26 puntos, 24 rebounds at apat na pasa suba­lit hindi natulungan ang Aces para itulak sa matira matibay na Games 7 ang serye.