Ginawaran na ng pansamantalang kalayaan ang mag-asawang Benito at Wilma Tiamzon na miyembro ng National Democratic Front (NDF) na bahagi ng isinusulong na peace talks ng gobyerno na magsisimulang umarangkada sa susunod na linggo sa Oslo, Norway.
Bago ginawaran ng pansamantalang kalayaan ay nakadetine ang mag-asawang Tiamzon sa PNP Custodial Center sa Kampo Crame.
Dahil dito, binigyang-diin ni Presidential Adviser on the Peace Process Jesus Dureza na wala nang dapat pang ipagduda ang makakaliwang grupo sa sinseridad ni Pangulong Rodrigo Duterte sa peace process sa Communist Party of the Philippines (CPP).
Ang paggawad ng pansamantalang kalayaan sa mag-asawang lider ng NDF ay tiyak ani Dureza na magbibigay-daan tungo sa mabunga at masinsinang negosasyon.
Ang mag-asawang Tiamzon ang pinakahuli sa grupo ng mga magiging bahagi ng peace panel na pinayagang makalaya upang makapartisipa sa idaraos na peace talks.
Kung pagbabasehan ang naging aksyong ito ng gobyernong Duterte ay makikita ang kaseryosohan ng pamahalaan na matuldukan na nga ang mahabang panahong problema sa insurhensiya.
Kaya sana ay maging seryoso na rin ang makakaliwang grupo sa isasagawang negosasyon dahil lahat ng paraan ay ginagawa na ng pamahalaan sa pangunguna ng OPAP.
Sa ganang amin, kailangan ang unawaan ng dalawang panig. Kailangang magbigayan upang maabot ang minimithing kapayapaan anong haba o iksi ng isasagawang negosasyon.
Ngayong handang-handa na ang panig ng pamahalaan at makakaliwang grupo, umaasa tayong magiging maayos ang kahihinatnan ng isasagawang negosasyon kagaya ng minimithi ng ating gobyerno.