Magpapaputok sa Bagong Taon ikukulong

Binalaan ni National Capital Region Police Office (NCRPO) Chief, Police Brig. Gen. Debold Sinas ang publiko na sa loob ng piitan sasalubungin ang 2020 kapag nahuli silang nagpapaputok ng mga firecracker sa labas ng itinakdang ‘community firework display area’.

Ito ay kasunod ng mahigpit umano nilang pagpapatupad ng Executive Order (EO) No. 28 para sa tamang paggamit ng mga paputok sa tuwing pagsalubong ng Bagong Taon na nilagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte noong 2017.

Sa press briefing nitong Biyernes sa Kamuning Police Station 10, sinabi ni Sinas na sa bawat komunidad ay mayroong itinakdang ‘designated area’ kung saan maaaring gamitin sa paputok.

Aniya, pinapahalagahan na ngayon ng publiko ang nasabing EO kaya umaasa ang opisyal na wala nang pasaway para dito.

Hinikayat din ng opisyal ang publiko na agad itawag sa pulisya ang sinumang pulis o sibilyan na magpapaputok sa pagsalubong ng Bagong Taon. (Dolly Cabreza)