Magpinsang mayor na lumutang sa Camp Crame nakauwi na

Kusang pinauwi na rin ng Philippine National­ Police-Criminal Investi­gation and Detection Group (PNP-CIDG) ang magpinsang alkalde na kusang lumutang at humarap kay PNP chief Director General Ronald ‘Bato’ Dela Rosa na sinasabing sangkot sa iligal na droga.

Iniharap ni PNP chief Dela Rosa sa mga mamamahayag sa Camp Crame nitong Biyernes ang magpinsang alkalde na sina Maguing, Lanao del Sur Mayor Mamaulan Abinal Molok at dating Marantao, Lanao del Sur Mayor Mohammad Ali Abu Abinal.

Subalit kinagabihan matapos maghain ng kanilang mga statement sa CIDG ang magpinsang mayor ay agad din itong pinauwi.

Ayon sa CIDG paba­balikin na lang umano ang nasabing alkalde sandaling mayroon pang silang mga kakailangan impormasyon tungkol sa mga ito.

Hindi na hinintay ng magpinsang alkalde na pa­ngalanan pa sila ni Pangulong Rodrigo Duterte na siyang may hawak ng 27 na mga local officials na sangkot umano sa iligal na droga.

Sa kanilang pagharap kay PNP chief Director General Dela Rosa at sa harap ng mga mamamahayag sa Camp Crame nitong Biyernes ay inamin mismo ng dalawang alkalde ang kanilang pagkakasangkot sa droga.