Magsasaka na Boksingero

Eumir Felix Marcial

Hindi pa tapos ang misyon ng dating mahiyaing batang magbubukid mula sa Lunzuran, Zamboanga City na si Eumir Felix Marcial matapos maabot ang unang pinakaaasam na makatapak sa 32nd Summer Olympic Games 2020 sa Tokyo, Japan sa darating na Hulyo 24-Agosto 9.

Nakausap ng Abante TONITE LODI ATLETIKO ang 24-anyos at may taas na 5’8” na boksingero bago pa magtungo kasama ang limang iba pa na miyembro ng national boxing team na tanging hangad ang mag-qualify sa 2020 Tokyo Olympics sa pagtapos ng Final Four 2020 Asia and Oceania Boxing Olympic Qualification Tournament sa Prince Hamzah Hall sa Amman, Jordan nitong Marso 3-11.

Aminado ang siyam na taong beteranong miyembro ng Association of Boxing Alliances in the Philippines (ABAP) na matindi ang kanyang hangarin matapos kapusin sa 2016 Rio de Janeiro OQT na labis na kinalungkot ng kanyang ama.

Taong 2011 nang madiskubre ang matangkad sa karaniwang kabataan na si Marcial sa paglahok sa mga torneo ng ABAP at Philippine Sports Commission (PSC) kagaya ng Batang Pinoy sa mabigat na dibisyong welterweight.

Agad siyang nagwagi para sa pambansang koponan ng gold medal sa 2011 International Boxing Association (AIBA) World Youth Boxing Championships sa Kazakhstan bago nagkasunod-sunod na ang mga tagumpay noong 2015, 2017, at 2019 hanggang sa OQT sa taong ito.

Q&A

TONITE: Kumusta na ang bukol na tumubo sa kamao mo?

MARCIAL: Medyo maayos na po. Ipina-opera po pagkatapos naming mag-compete sa 2019 Southeast Asian Games kaya po maayos ko nang naisusuntok. Hindi tulad ng dati na nagdadalawang isip ako kung buong puwersa ko ipapatama kapag nasa laban ako.

TONITE: Palagay mo, kaya mo na ngayon na maabot ang pa­ngarap mo at ng tatay mo?

MARCIAL: Gagawin ko po ang buong makakaya ko. Medyo maganda po ang kondisyon ko ngayon dahil galing ako sa mahabang training noong SEA Games at tuloy-tuloy din ang exposure namin.

TONITE: Ano ang masasabi mo sa pag-aalaga sa iyo ng ama mo?

MARCIAL: Iniaalay ko sa kanya ang tiket ko sa Olympics. Lahat ng ito ay gusto ko ibigay sa kanya kasi siya ang nagpakahirap sa akin na matuto sa boxing, siya ang kasama ko lagi sa training at lagi niya sinasabi sa akin ang pangarap niya na mapanood niya ako sa Olympics.

TONITE: Ano ang aasahan ng sambayanan sa iyo sa Tokyo Olympics?

MARCIAL: Apat na taon akong naghintay. Pinaghandaan ko talaga ang pagkakataon na ito na mag-qualify ako sa Olympics. Kailangan ko pang dagdagan ang paghahanda ko. Gusto kong mapanalunan ang gold.