Patay ang isang magsasaka matapos siyang tuklawin ng ahas habang nananabas ng damo sa kanyang sakahan sa San Mateo, Isabela noong Miyerkoles.

Kinilala ng San Mateo Police Station (SMPS) ang biktima na si Samuel Limo, 52, ng Brgy. San Antonio ng nasabing bayan.

Sa report ng SMPS, nagtungo umano sa kanyang bukirin ang biktima upang maglinis.

Habang nagtatabas ng damo, bigla siyang tinuklaw ng ahas sa paa na agad namang umuwi at nagpatulong sa mga kamag-anak na dalhin sa ospital.

Bagama’t isinugod sa pagamutan ang biktima ay binawian din ito ng buhay dahil kumalat na ang kamandag ng ahas sa kanyang katawan. (Allan Bergonia)