Magsasakang Ilocano: Bayaning Pilipino awardee

Tinanghal bilang Bayaning Pilipino ang 79-anyos na magsasaka sa Brgy. Libtong, Bacarra sa Ilocos Norte na patuloy na nagbibigay inspirasyon sa kabataan at iba pang magsasaka na pahalagahan ang kanilang paggawa at lupang sinasaka.

Nakatakdang tanggapin ni Angel Padron, multi-awarded organic farmer, ang bago nitong parangal bilang Gawad Geny Lopez Jr. Bayaning Pilipino awardee dahil sa ambag nito para i-promote ang organic farming at malinang ang buhay ng kapwa nito mga magsasaka sa rehiyon ng Ilocos.

Ginugol din umano ni Padron ang kanyang buhay sa pagbabahagi ng kanyang passion sa pagsasaka at nagbibigay pa ng mga libreng serbisyo sa mga paaralan para masiguro na mayroong mga susunod na batang magsasaka na siyang magpapakain sa bansa sa susunod na panahon.

Nabatid na hindi man nakakuha ng college degree o nakatapos man lang sa high school, naging sikat itong lecturer at trainor sa larangan ng organic farming.

Mayroon din itong tatlong hektarya na Padron Agri-Venture Farm na nakatutulong sa mga farm enthusiast, kabilang ang kabataan na kumukuha ng agriculture-related subject.

“I want to leave this as my legacy and hopefully, I may be able to pass all the knowledge and skills I have acquired to make others succeed also. We can all become successful if we have discipline and work hard to achieve our goals,” ani Padron sa isang panayam. (PNA)