Magsumbong kay Tulfo: Bawal ang pila sa TV5

Hindi napigilan ng pandemya ang pagseserbisyo ni Raffy Tulfo sa ating mga kababayang problemado na nagsasadya talaga sa kanyang programang Wanted Sa Radyo.

Dahil hindi pa nu’n puwedeng magradyo ang palabang news anchor sa studio ng TV5 ay gumawa siya ng paraang makapagsahimpapawid pa rin sa pamamagitan ng You Tube at Facebook Live.

Na-lockdown siya sa bayan sa Isabela ng kanyang misis na si Party List Congresswoman Jocelyn Tulfo, kumpleto sa gadgets si Kuya Raffy, kaya nakapagpatuloy pa rin siya sa pagtulong sa ating mga kababayang nagrereklamo.

Nang sumailalim na ang NCR sa GCQ ay nag-report na siya sa Radyo Singko, pero napakaraming pagbabago, bilang na bilang ang kanyang staff sa studio ng Wanted Sa Radyo.

Bawal na ang pila sa palibot ng TV5, dati kasi, madaling-araw pa lang ay punumpuno na ang harapan ng network sa dami ng mga humihingi ng tulong sa kanya na ang karamiha’y nagmumula pa sa malalayong probinsiya.

Hindi niya kasama sa loob ng studio ang nagrereklamo, may sariling camera ang mga ito sa isang studio sa TV5 din, sinusunod ni Kuya Raffy ang lahat ng pinaiiral na kautusan ng DOH at ng ating pamahalaan.

Sumusunod sila sa social distancing, naka-facemask ang kanyang staff at ang mga nagrereklamo, hindi pa nagaganap ang lockdown ay dati nang may nakabantay na alcohol at handwash sa studio ang news anchor.

Malinis sa katawan at sa kanyang kapaligiran si Kuya Raffy, sinumang staff niya na may sipon at ubo ay agaran niya nang pinagagamit ng facemask, nagpapa-spray rin siya ng booth bago siya umere.

Sa kabila ng hirap sa pagbibiyahe ngayon dahil sa kakulangan ng mga pampublikong sasakyan ay may mga nagrereklamo kay Kuya Raffy na naglalakad na lang pala.

Siya ang pinipiling lapitan ng mga problemado nating kababayan, lalo na ng mga dakilang OFW mula sa iba-ibang bansa na pinagmamalupitan ng kanilang mga pinagseserbisyuhan, dahil nagkakaroon ng positibong resulta ang mga problemang ihinahain nila sa Wanted Sa Radyo.

Matagumpay ang kanyang programa, maging ang kanyang Facebook at You Tube followers ay milyun-milyon na ang bilang, siya ang nangunguna ngayon sa linya ng public service.

Pero sa kabila ng kabruskuhan sa pagresolba sa mga problemang ihinahain sa kanya si Kuya Raffy ay kapuri-puri ang kabutihan ng kanyang puso.

Mula sa kanyang sariling bulsa ay tinutulungan niya ang mga kababayan nating nanggagaling pa sa iba-ibang probinsiya, ang mga walang matuluyan ay pinagho-hotel pa niya, malambot ang puso sa maliliit ng palabang komentarista.

-o0o-

Alden sasabak sa Philippine Air Force training

Nagpahayag na ng interes si Alden Richards na maging reservist ng Philippine Air Force. Hinihintay niya na lang ang desisyon ng GMA Artist Center kung kailan siya puwedeng magsimula sa matinding training.

Mahirap na nga namang sumagot siya, pero napakarami niya naman palang trabahong kailangang gampanan, hindi magiging tuluy-tuloy ang kanyang training sa PAF.

Sa pagkakaalam namin ay mapapalaban nang husto ang Pambansang Bae sa masusing training, ganu’n din ang pinagdaanan ng ibang mga personalidad na pumasok sa pagiging reservist, pero handa naman si Alden anumang oras na kailangan na siyang sumailalim sa matindihang preparasyon kapag naiayos na nila ng Artist Center ang kanyang schedule.

“Para sa bayan,” sabi ni Alden Richards na kilalang-kilala sa pagiging matulungin pero hindi lang niya ‘yun ipinagmamakaingay.