Magtira para sa kagipitan

Sabi sa balita, kahapon daw ang bigayan ng 14th month pay at P5,000 cash gift ng mga government employee.

Wow! Very good ito kung talagang naibigay nga.

Ilang beses ding nangalampag ang munting tabloid na ito sa mga employer na kung maaari ay agahan ang pagbibigay ng 13th month pay at bonus sa mga empleyado para hindi sila ma-trap sa Holiday rush. Mas madali pang makakapag-budget.

Mukhang nakikinig ang gobyerno sa suhestyong ito. Hayun at Nobyembre 15 ay ibinigay daw ang 14th month pay hindi lang 13th month ha at may dagdag pang P5,000.

Napakahusay ng galawang ito. Pabor na pabor sa tao.

Ngayon ay nasa kamay na ng mga empleyado kung pano iba-budget ang mga natatanggap na Pamasko.

Hanggang Bagong Taon na ito. Importante na maisubi ang budget para sa Noche Buena at Media Noche. Pati na ang konting pailaw sa pagsalubong sa 2019.

Siguradong maagang mapupuno ang Divisoria at iba pang murang pamilihan at mga tiangge.

Dito ngayon eentra ang bumibigat na trabaho ng mga pulis. Kailangang pangalagaan laban sa mga mandurukot, holdaper at snatcher ang publiko.

Asahan din ang tripleng pagsisikip ng trapiko at ang pananamantala ng mga tagang taxi driver. Alerto dapat ang mga awtoridad sa kalsada laban sa mga ito.

Sa gitna ng magandang balita sa tinatamasang mga bonus at ekstrang pera, kailangang maging praktikal ang lahat.

Hindi dapat ubusin sa panregalo ang ekstrang pera.

Kailangang may maitabi para sa mga hindi inaasahang pangangailangan at gastusin sa malapit na hinaharap.