Dear Sir:
Malaki at malakas pa rin ang paniniwala ng pamahalaan na nasa Marawi pa rin ang utak at may kagagawan ng gera sa naturang lungsod. Batay sa pagsisiyasat ng mga sundalo hindi makawala sa Marawi si Hapilon. Hindi rin umano totoo ang balitang namataan ito sa Basilan ayon sa mga kumakalat na impormasyon.
Sa ganitong pagkakataon, ipaubaya na lamang natin sa pamahalaan at militar ang mga magiging hakbang nila. Huwag na sana tayo dumagdag sa problema lalo na sa pagkakalat ng mga impormasyong wala namang sapat na basehan. Magdudulot lang ito ng takot para sa mga kapatid nating nasa mga lugar na kritikal lalo na at tahasang binabanggit pa kung nasaan umano ang presensya ni Hapilon. Makipagtulungan na lamang tayo sa kinauukulan dahil sa ‘yun lang ang ating maitutulong. Iwasan ang pekeng balita na nagdudulot ng pangamba sa mamamayan.
Jamaica Rey
Compostela Valley
***
Dear Sir:
Ang banta ay hindi nawawala at kahit saan ay mayroong pagbabanta ‘yan ang sinabi ni AFP spokesperson Brigadier General Restituto Padilla Jr.
Ngunit sinabi rin niya na walang dapat ikabahala dahil nakatalaga ang mga sundalo sa iba’t ibang panig ng bansa. Ang banta sa ating seguridad ay palaging nariyan ngunit makakayanan nating itong harapin kung tayo ay may tamang paghahanda para rito.
Magtiwala tayo sa sinabi ni Gen. Padilla na hindi na kakalat pa ang lagim na dulot ng Maute-ISIS group. Magtiwala tayo sa katapangan, lakas, galing at katapatan ng mga sundalong nakabantay sa ating mga pamayanan. Marami mang rebeldeng grupo, marami rin naman tayong matitikas na sundalo. Ang kailangan natin gawin ay makipag kooperasyon sa otoridad lalo na sa ating mga kapatid na nasa mga lugar na talamak ang mga terorista.
Andrew Aranas
Tanay, Rizal
***
Dear Sir:
Sagad sa buto ang kawalanghiyaan ng New People’s Army. Isang retiradong sundalo ang kanilang pinaslang ng walang kalaban-laban at walang matinong dahilan. Talagang ipinagmalaki pa nilang NPA sila matapos nilang barilin ang biktima. Ganyan na ganyan rin ang gagawin ng NPA sa taumbayan, papatayin ng walang kalaban-laban at walang matinong dahilan. Hindi na mabilang ang krimeng ginawa at kinasangkutan ng NPA.
Hindi na rin mabilang kung ilang pamilya ang naapektuhan sa mga iligal na aktibidad nila, hindi na rin mabilang kung ilang pamilya ang nawalan ng mahal sa buhay ng dahil sa kagagawan nila. Ngayon sabihin ni Joma at ngayon niya itanung sa sarili niya kung bakit ayaw na ng pangulo ituloy ang usaping pangkapayapaan. Suma tutal, wala naman sanang gulo at ‘di na kailangang hanapin ang kapayapaan kung wala ang mga terorista at rebeldeng grupo na tulad nila. Sakit sila ng ating bayan, sila ang dahilan ng matagal ng problema at lumalalang paghihirap ng ating bansa.
Walang negosasyon at walang pangulo silang sinang-ayunan. Lahat na lang ay hindi nila pinaburan. Ang gusto lang nila sila ang masunod, sila ang may kapangyarihan. Sila ang papatay sa ating lipunan.
Louch R. Aquino
Bataan
***
Dear Sir:
Magkakasunod na karumal-dumal na krimen ang ginawa ng Abu Sayyaf group. Matapos silang mambulabog, magsunog at pumatay sa isang bayan sa Maluso, ninakawan at pinugutan nila ang isang dating sundalo sa Brgy. Upper Mahayahay sa parehong bayan. Malinaw na ang ASG ay halang ang mga kaluluwa. Ang ginagawa nilang pagpatay ng mga inosenteng sibilyan ay isang pangitain na desperado na sila makipaglaban sa militar. Kaya naman sibilyan ang binabalingan nila upang makahingi ng pansin. Matatandaang ang lider nila na si Isnilon Hapilon ay inabanduna sila at mas piniling sumama sa Maute group, na mas may pondo kumpara sa kanila. Tumaas na rin ang bilang ng mga miyembro ng ASG na sumusuko sa pamahalaan. Ngayon ay nais naman ng mga taga Brgy. Tubigan na magkaroon ng detachment sa kanilang lugar upang mapgilan ang pag-atake ng mga bandido. Nagpapakita lamang ito na sawa na ang mga sibilyan sa ginagawang perwisyo ng mga rebelde at teroristang grupo.
Klein De Guia
Guagua, Pampanga