Inaresto sa buy-bust operation ng Quezon City Police District (QCPD) ang mga magulang ng aktor ng dating Kapuso aktor na si Hiro Peralta, kabilang ang isa pang suspek, sa Novaliches kahapon ng madaling-araw.

Kinilala ni Novaliches Police Station 4 commander Supt. Rossel Cejas ang naarestong mag-asawa na sina Engelbert Garcia Peralta, 46-anyos, at Jean Magalona Pe­ralta, 49-anyos, kapwa nakatira sa Congressional Village, Project 8, Brgy. Bahay Toro, Quezon City, at ang kanilang kasama na si Ronnie Cabalang Telan alyas ‘Tangkad,’ 32-anyos, ng Champaca St., Espacio Bernardo Condominium, Brgy. Sauyo, Novaliches.

Ang mag-asawang Peralta ay sinasabing mga magulang ng aktor na dating GMA talent na si Hiro Peralta (Hirojenel Benz Magalona Peralta sa tunay na buhay).

Ikinasa ng Station Drug Enforcement Unit ang buy-bust operation sa pamumuno ni Senior Inspector Dennis Francisco dakong ala-1:15 ng madaling-araw at naaresto ang tatlong suspek sa 24 Hour Bingo na matatagpuan sa Kingspoint, Brgy. Bagbag, Novaliches.

Nabatid na ang ama ng aktor na si Engelbert ay dati nang sumuko sa Oplan Tokhang at nakasuhan na rin ng paglabag sa Comprehensive Da­ngerous Drugs Act of 2002 ng Masambong Police Station 2 noong 2015.

Kabilang umano si Engelbert sa drug watchlist ng Brgy. Bagbag.

Ang kanyang asawa na si Jean at kasamang si Telan ay bago pa lang umano nakikilala bilang mga drug personality.
Hindi naman nagbigay ng pahayag si Engelbert, pero ang kanyang asawa at kasamang si Telan ay itinangging nagbebenta sila ng droga at sinabing naglalaro lamang sila ng bingo nang arestuhin ng mga pulis.

Gayunman, nakakumpiska umano sa kanila ang mga operatiba ng 18 plastic sachet ng shabu at nabawi rin ang P500 na ginamit sa buy-bust.

Kinumpiska rin ng mga awtoridad ang isang Toyota Corolla, Toyota Adventure at isang Nokia cellphone mula sa mga suspek.

Nakakulong sila nga­yon sa Novaliches Police Station 4 habang inihahanda ng pulisya ang mga kasong isasampa laban sa kanila.