Magulang pahihirapan sa pasaway na anak

Tiyak na gaganda at lilinis ang kapaligiran kapag naisabatas ang isang panukalang batas sa Kamara na paglinisin, pagbungkalin ng burak, ang mga magulang, taga­pag-alaga o guardians ng mga pasaway na bata.

Ito ang nakikitang sagot ni Bagong Heneras­yon (BH) party-list Rep. Bernadeth Herrera-Dy bilang parusa sa mga magulang sa pagpapabaya sa kanilang mga anak kaya nasasangkot ang mga ito sa iba’t ibang krimen o pagkakasala sa batas.

“Parental neglect and abuse are the root causes that lead children to go astray and commit unlawful acts. Mistreated, exploited or uncared for, a child’s discernment of what is right or wrong will always be or will slant towards the border of the the bad side,” ani Herrera-Dy.

Dahil imbes na ang mga batang nagkasala ang parusahan ay ang kanilang mga magulang at guardian sa pamamagitan ng community service tulad ng paglilinis sa kalsada, estero at iba pa.

Tutol ang mambabatas na ang mga bata ang parusahan dahil kung hindi umano sa kapabayaan ng kanilang mga magulang ay matitino ang mga ito katulad ng karamihan sa mga batang puno ng pagmamahalan at pag-aaruga.

“Kung hindi nagpabaya ang magulang ng mga bata na iyan, kung minahal sila ng kanilang mga parents, hindi nila gagawin ‘yan (krimen). Bakit karamihan naman sa mga bata ay matitino? Dahil inaalagaan sila ng kanilang parents, minamahal at inaaruga,” ayon pa sa lady solon.

Hindi rin sang-ayon ang solon sa panukalang ibaba sa 9-anyos ang may pananagutan na sa batas mula sa 15-anyos dahil sa paniniwalang biktima lang ang mga ito ng maling pagpapalaki.