Dear Kuya Rom,
Nasa grade school pa kami noon, friends na kami. Pagdating ng high school, naging girlfriend ko siya. Mabait siya, maingat sa mga kilos niya. Gusto niya hanggang holding hands lang kami. Isang araw, sabi niya, bata pa kami, kaya’t putulin muna namin ang relationship namin. Nagkalayo kami pagdating namin sa college.
Nagkaroon ako ng ibang girlfriend, pero hindi ko siya maalis sa isip ko. Kami ay 8 years nang hindi nagkikita. Paminsan-minsan ay nagkakamustahan sa text. Siya ay science teacher na ngayon. Ako naman ay may maliit na negosyo. Parehas kaming abala.
Nagselos ang girlfriend ko at nakipaghiwalay sa akin. Ngayon, bumabalik sa aking isip ang nakaraan, walang iba kundi ang dati kong girlfriend sa high school.
Hindi ko alam kung may boyfriend siya ngayon. Kung pipili ako ng mapapangasawa, siya ang gusto ko. Naiiba siya talaga sa mga ibang babae. Wala siyang katulad.
May tapang ako kaya ako nagtayo ng sariling negosyo, pero pagdating sa kanya, nawawalan ako ng tapang para sabihing naiisip ko siya. Nangangarap akong magkabalikan kami. Ayaw kong makapag-asawa siya ng iba.
Pero paano kung may boyfriend siya? Paano ko sasabihin sa kanya na mahal ko siya noon pa man nang nasa grade school pa lang kami? — Manny
Dear Manny,
Ikaw ang lalaki, kumilos ka. Alamin mo kung saan siya nagtuturo. Pumasyal ka sa school at sumaglit ka ng isang surprise visit. Siyempre magugulat siya at tatanungin ka kung bakit ka nasa harap niya sa araw na iyon. Tawagin mo siyang ‘Ma’am’ at sabihing gusto mo lamang makitang muli ang isang kaibigan.
Kung libre siya, yayain mo siya sa canteen, magkamustahan at mag-usap kayo. Sabihin mo sa kanya, kung walang magbabawal o pipigil sa kanya, gusto mong kumain kayo sa isang restaurant kapag weekend.
Makikita mo ang kanyang reaksyon. Kung sasabihin niyang may boyfriend siya, ngitian mo siya at sabihing hindi pa naman sila kasal at walang masama sa pagkikita ng dalawang matagal nang magkaibigan. Kung wala pang nagmamay-ari ng kanyang puso, hayaan mong lumundag ang iyong dibdib sa tuwa, sapagkat malaya at bukas pa ang kanyang puso.
Kung may boyfriend siya ngayon, gamitin mo ang iyong tapang, ipaglaban mo ang katuparan ng iyong pangarap na siya ang iyong mapapangasawa. Dumiskarte ka sa tamang paraan sapagkat alam mong mayroon ka pang pagkakataon.
Kung wala siyang boyfriend, sabihin mo sa kanya na gusto mong magsimulang muli, ibalik ang inyong pagmamahalan sa isa’t isa at sana’y gusto rin niya ito. Ipagtapat mo sa kanya ang matagal nang lihim na nakatago sa iyong puso — ang katotohanang mahal mo siya noon pa man nang kayo ay nasa grade school.
Ipangako mo sa kanyang gagawin mo ang lahat para hindi na kayo magkakalayong muli at mananatili ang iyong pag-iibigan magpakailanman. God bless you!
Payong kapatid,
Kuya Rom