Kitang-kita ng ating mga mata, at dinig na dinig­ ng ating mga tainga­ ang naging takbo ng imbes­tigasyon ng Senado at Kamara sa ilang mahahalagang isyung kanilang tinatalakay partikular ang extrajudicial killings at drug trade sa National Bilibid Prison (NBP).

Informative kung sa informative ang bawat rebelasyon ng mga inilutang na testigo ng Department of Justice (DOJ) sa pangu­nguna ni Sec. Vitaliano­ Aguirre sa House probe sa NBP drug trade.

Pero ang nakakainis­ lamang talaga ay ang pag-aaksaya ng panahong ­inuubos ng ilang mamba­batas na miyembro ng House Justice Committee na humahawak sa imbestigasyon.

Walang kalatuy-latoy ang mga tanong as in walang kalaman-laman ang mga tanong. Kaya sana­ ay makita ito ng chair ng komite dahil sa totoo lang ang daming oras ang kanilang kinakain sa wala namang katuturang katanungang ibinabato sa mga testigo.

Alam kong mahira­p umawat sa ganitong eksena lalo na’t marami ang nais talagang sumi­ngit para mapansin dahil televised ang ginagawang imbestigasyon.

Tutal din naman ay exposure ang hangad ng ilang miyembrong Justice House committee sana ay magpasikat na kayo, ibigay­ niyo na ang makalaglag upuang mga tanong. Hindi iyong puro­ personal na interes na ­naman ang pinupunto.

Hindi pa tapos ang pagdinig ng Kamara kaya­ sana ay maging iba na ang takbo sa mga susunod pang hearing at hindi­ na puro kababawan at pagpapaikot lamang ng isyu ang maririnig ng ­taumbayan mula sa mga mambabatas sa Kamara.

Sa Senado naman gamitin din sana ng mga senador nang wais ang kanilang oras upang hindi­ napupulaang nag-aaksaya­ lamang ng oras sa wala namang katuturang mga katanungan dahil sa totoo lang napakaramin­g mahahalagang panukal­a ang dapat na isulong unang-­una na ang emergency powers na tutugon sa matagal na nating problema sa trapiko.