Napasabak na naman tayo sa special coverage ng ating radio program dahil sa bagyong si Nina kahapon, isang araw makalipas ang Pasko. Sa panahon ng kalamidad na katulad nito, minsan pang napatunayan ang importansya ng radyo pagdating sa paghahaitd ng mabilis na impormasyon.

Marami sa mga kababayan nating hinagupit ng bagyong Nina sa Bicol Region, Quezon Province at Calabarzon ang nawalan ng suplay ng kuryente hatinggabi pa lamang sa araw mismo ng Pasko, Disyembre 25.

Dahil kay ‘Nina’ halos 90 porsiyento ng international at domestic flights ang nakansela at 6 na libong pasahero ang hindi nakabiyahe. Isang barko ang lumubog at isang oil tanker ang sumadsad. Libu-libong pamilya ang inilakas sa Kabikulan, Lalawigan ng Quezon, Marinduque at Mindoro.

Dahil walang power supply, hindi sila makapanood ng telebisyon. Limi­tado rin ang paggamit ng internet at cellphone dahil apektado rin ang mga telecommunications company dahil sa pagkaputol ng linya ng kuryente.

Ang inasahan lamang ng iba ay ang battery-ope­rated na transistor radio, kaya bilang isang radio broadcaster ay inasahan ang aming malawak na pagsasahimpapawid sa pamamagitan ng radio DZRJ, 810 Khz.AM.

Ang anumang klase ng kalamidad ay maaaring umatake kahit kailan. Ang iba’t ibang kalamidad na ating nararanasan sa paligid dulot ng kalikasan ay ang pagbaha, landslide o pagguho, lindol, tornado sa iba’t ibang dako ng mundo at ang terorismo na likha ng tao.

Walang nakakalam kung ano ang mangyayari sa ganitong panahon na may kalamidad, ang mga mahalagang utilities tulad ng tubig, kuryente at telepono ay maaa­ring maputol ang serbisyo pansamantala.

Sa ganitong situwasyon, back to basic tayo ika nga. Tandaan kapag may paparara­ting na bagyo, ugaliing maghanda ng battery-operated transistor radio at siguruhing may extrang baterya para sa mga ito.