Nagpatupad na ng ‘internal cleansing’ sa pinamumunuang ahensya ang bagong talaga ni Pangulong Rodrigo Duterte na chairman ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na si dating Ret. Gen. Danilo Lim.
Ang ‘internal cleansing’ ay agad na ipinatupad ng pinuno ng MMDA matapos itong iluklok ni Pangulong Duterte sa puwesto noong Mayo 23.
Ang hakbang ng bagong pinuno ng MMDA ay alinsunod sa direktiba ni Pangulong Duterte na tuldukan ang katiwalian sa ahensiya at rebisahin ang mga kontratang pinasok ng tanggapan.
Naniniwala kami na para makamit ang inaasam na pagbabago sa mga ahensya ng gobyerno, katulad ng MMDA ay dapat na iniimplementa ang ‘internal cleansing’.
Para sa amin bago magpatupad ng kung anu-anong mga pagbabago sa polisiya o programa, mahalagang magkaroon muna ng paglilinis sa buong hanay para makita ang problema o sagabal sa mga ipinatutupad na reporma, katulad ng sa MMDA.
Kaya naman sumasang-ayon tayo sa isinusulong ngayong paglilinis laban sa mga tiwaling miyembro ng MMDA.
Dapat lamang na sibakin na sa puwesto ang mga tauhang walang nagiging kontribusyon sa ahensya kundi dagdag pang sakit ulo dahil sa ginagawang pag-abuso sa puwesto.
Hindi naman kasi lingid sa kaalaman ng lahat na may mga tiwaling traffic enforcers na patuloy na nasa serbisyo sa kabila ng mga kalokohan.
Kaya para makamit ng liderato ng MMDA ang maayos na pagseserbisyo ay kailangang malinis ang kanilang hanay mula sa mga pasaway na tauhan.
Dahil sa halip na maging katuwang ang lahat ng tauhan ng MMDA sa isinusulong na reporma katulad ng pagsasaayos ng daloy ng trapiko na isa sa pangunahin nitong misyon ay magiging dagdag lamang silang sakit ng ulo at sagabal sa mga pagbabagong nais ipatupad ng gobyernong Duterte.
Kaya tama lamang na walisin na agad-agad ang mga bulok sa MMDA na imbes na makatuwang sa pagresolba sa mga problemang nakaatang sa balikat ng ahensya ay nagiging pangunahin pang sakit ng ulo ng liderato ng MMDA.