Mahalin ang ‘kaliwete’

Miro-Quimbo-Miro-on-the-Wall

Pasado na sa Kamara sa botong 207-0 ang inakda nating House Bill No. 8654 o ang ‘Mandatory Provision of Left-Handed Armchairs in Educational Institutions Act’ na naglalayong isulong ang pantay na pag-unlad ng mga mag-aaral sa loob ng classroom.

Hinihingi ng ating panukala sa mga institusyong pang-edukasyon (pribado at publiko) na maglaan ng mga left-handed armchair para sa mga kaliweteng kabataan. Hindi dapat bumaba ang bilang ng mga left-handed armchair sa 10% ng numero ng populasyon ng mga mag-aaral ng paaralan.

Kung iniisip na­ting cool o superhero ang isang kaliwete, napa­kahirap naman para sa kanya na mamuhay sa mundo ng mga right-handed. Parang parusa mula paggamit ng gunting hanggang pagte-text hanggang pagpapatugtog ng gitara.

Ganoon din sa sports, nag-eensayo ang isang atletang kaliwete base sa pers­pektiba ng kanyang katunggaling right-handed.

Lumalabas sa isang pag-aaral na ­nananakit ang likod, leeg, at balikat ng isang estudyanteng kaliwete sa paggamit ng right-handed armchair.

Saka dahil hindi akma ang kanyang posisyon, sulat-manok at bumabagal ang kanyang pagsulat. Paano na kung may paspasang exams?
Nakababahala ang sinasabi ng mga eksperto na patuloy ang paglaki ng bilang ng mga kaliweteng mag-aaral na nahihirapan sa klase dahil sa kanilang sitwasyon.

Sa labas at loob ng classroom, hindi patas, ‘di ba?

Kabilang sa mga tanyag na left-handed sina Barack Obama at Jimi Hendrix. Parehong humataw ang dalawa sa kanya-kanyang karera – si Obama, sa politika; si Hendrix naman, sa musika. Paano pa kaya kung may left-handed armchair at lefty guitar na noong bata pa sila?