Umabot na sa 21,173 lotto outlet sa buong bansa ang ipinasara matapos iutos ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Inatasan ng Pangulo ang Philippine National Police (PNP) na isarado ang lahat ng gaming outlet na pinapatakbo ng Philippine Charity Sweepstakes Office ( PCSO) bunsod ng malawak na korupsyon sa ahensya.

Hanggang kahapon, nasa 5,187 lotto stores; 13,320 small town lottery (STL) kiosks; 2,194 Peryahan ng Bayan outlets at 472 Keno shop ang ikinandado ng pulisya.

Umapela si PNP chief General Oscar Albayalde sa mga operator na boluntaryong ipatigil ang operasyon ng kanilang mga outlet kung hindi pa man ito naipapasara ng PNP.

Binigyan ng 24-oras ng Pangulo ang kapulisan na ipatigil ang lahat pasugalan na ino-operate ng PCSO kahit pa ito ay legal at lisensyado .
Samantala, handang magbigay ng financial assistance ang Office of the President at Philippine Amusement and Gaming Corporation (Pagcor) sa mga taong nangangailangan ng tulong.

“’Yung mga nangangailangan ng tulong eh sumulat lang po kayo, we will just direct your request sa Pagcor at sa Office of the President. At makakaasa kayong ang pamahalaan ay nakahanda pa ring tumulong sa inyo,” ani Panelo sa panayam ng DZIQ nitong Linggo. (PNA)