Mahigit 70 lindol sa Batangas

Mahigit pitumpung (70) lindol na ang tumama sa lalawigan ng Batangas sa loob lamang ng maghapon kasunod ng pagtama ng magnitude 5.5 na lindol kagabi sa Tingloy, Batangas.

Sa earthquake monitoring ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs), as of 7:00 pm ngayon ay nasa 72 na ang naitatalang lindol at aftershocks sa buong lalawigan ng Batangas.

Pinakamalakas na aftershock ang naramdaman kaninang alas-12:49 ng hatingggabi na umabot sa magnitude 4.9.

Pagkatapos nito, sunod-sunod ang paglindol na hindi lalagpas sa lakas na magnitude 3.7 sa mga bayan ng Tingloy, Mabini, San Luis, San Nicolas at Batangas City.

Ayon sa Phivolcs, wala pa namang naitatalang casualty, nasaktan o nasirang ari-arian sa sunod-sunod na paglindol.

Pinawi rin ni Phivolcs Director Renato Solidum ang pangamba ng ‘tsunami’ kasunod ng malakas na pagyanig.

“Inuulit po natin, wala pong babala o nagbabantang tsunami dahil sa pagtama ng lindol sa Batangas,” giit ni Solidum.