Inihayag ng Maynilad Water Services Inc. na magpapatuloy ang mararanasang kakulangan at malabong tubig na kanilang isinusuplay sa kanilang mga customer hangga’t hindi pa ito na ibabalik sa normal.
Ayon sa Maynilad, patuloy pa ring makakaranas ng mahinang supply ng tubig ay iyong mga nakatira sa matataas na lugar.
Base sa pinakahuling advisory ng Maynilad kabilang sa mga lugar na maapektuhan pa rin ay ang mga barangay sa Quezon City, Valenzuela at Manila partikular sa mga residente ng Sampaloc, Quiapo, San Miguel, Sta. Cruz at Sta. Mesa, ganu’n din ang ilang lugar sa Caloocan, Parañaque, Pasay, Navotas, Muntinlupa, Malabon, Makati at Las Piñas.
Habang ang mga lugar na sa mga lalawigan ay ang Imus, Cavite City, Noveleta, Rosario, Kawit, at Bacoor, Cavite.
Ang mga nabanggit na lugar ay makakaranas ng mahinang supply at pagkawala ng tubig.
Ito’y dahil umano sa nangyaring pagkakaroon ng malabong tubig sanhi ng walang tigil na pag-ulan na humalo sa La Mesa Treatment Plants.
Subalit tiniyak ng Maynilad na ginagawa nila ang lahat para agad ding maibalik sa normal ang supply ng malinis na tubig.
“We are continuously monitoring the raw water quality in Ipo Dam and conducting the necessary system adjustments so we can return to normal water production levels at the soonest possible time,” ayon kay Ronaldo Padua, head ng Water Supply Operations.
“To maintain the quality of water supply to our customers and protect the integrity of our water treatment plant, we are constrained to continue limiting our water production,” dagdag nito.