Mahirap ang walang papa, tatay o ama

Hindi ako fan ng Los Angeles Lakers sa National­ Basketball Associa­tion ng Estados Unidos.

Chicago Bulls ako dati dahil kay Michael Jordan. Pero hindi na rin po ngayon.

Pero isa po ako sa naluha at kinilabutan pagkagising kahapon nang umaga nang malaman ko ang trahedyang kamatayan ni sports legend­ Kobe Bean Bryant sa edad na 41-anyos lang. Bumagsak ang sinasasakyan niyang helicopter kasama ang 13-anyos na dalagitang anak na si Gianna Maria (Gigi) at pitong iba pa Linggo (Enero 26) ng umaga sa Calabasas, California.

Naulila ni Kobe ang kabiyak na si Vanessa Laine na nagrerekober pa mula sa may pitong buwan pa lang na pinanganak ang pang-apat nilang supling ng asawa, si Capri Kobe, Bianka Bella, 7 taon, at Natalia Diamante, 17.

Sigurado akong masakit para kay Vanessa ang sabay na pagpanaw ng esposo at anak. Pero dalangin kong makayanan niya ang lahat sa awa ng Diyos.
Tiyak ko ring mahirap para sa tatlong naiwang mga anak ni Kobe ang pagyao niya.

Mahirap kasi ang walang ama, papa o tatay sa buhay.

Naranasan ko pong mawalay ako sa aking ama nang ako’y grade five pa lang noon sa elementarya. Pero panalangin ko rin sa paggabay ng kanilang ina at ng Poong Maykapal ay makayanan din ng mga bata ang dinanas ko.
***
Patuloy ang pagbaha ng tulong ng ating mga kababayan sa Batangas na mga naapektuhan sa pagputok ng Bulkang Taal nitong Enero 12. Pinakabagong nagmagandang loob ang Berjaya Philippines, Inc.

Makikita na iniaabot ni BPI director Eng Hwa Tan ang isang bag para sa biktima ng nasabing kalamidad. Ito ay bahagi ng corporate social responsibility ng kompanya.

Sana marami pang sumunod sa Berjaya.
***
Maraming salamat po sa mga bumati sa aking­ kaarawan nitong January 26 sa pangunguna ng aking mga kapatid, anak at pamangkin, at si Kristene Ambida ng L.A. Café sa Ermita, Manila.
***
Kung may nais po kayong itanong o mayroon kayong reaksiyon sa aking kolum, mag-email lang po sa ramilcruz2003@yahoo.com.