Naglahong parang bula ang cash at alahas ng isang babaeng negosyante na nagkakahalaga ng P772,000.00 matapos umanong mabiktima ng mga miyembro ng Dugo-Dugo Gang ang kanyang kasambahay kamakalawa nang umaga sa Sta. Mesa, Maynila.
Pagdating sa bahay ng kasambahay na si Luisa Carandang, 42, ipinaaresto ito ng biktima na si Carolina Tabisora, 62, taga-Ilumina Residence, V. Mapa Street.
Dumating umano sa bahay ang biktima dakong ala-1:00 nang hapon at nakitang nakabukas ang kanyang cabinet at nadiskubreng nawawala ang kanyang mga nakatagong pera at alahas.
Ayon kay Carandang, isang babae umano ang tumawag sa kanya sa telepono at sinabing nasangkot ang amo sa isang aksidente sa Divisoria.
Inutusan umano siya ng babaeng caller na puwersahing buksan ang kuwarto at cabinet ni Tabisora at dalhin ang mga pera at alahas sa harap ng isang mall sa may Manila City Hall.
Sinabi ni Carandang na inabot niya ang pera at alahas sa babae na ang edad ay nasa 25-30, may taas na 5’2 at naka-pink blouse.
Kasunod noon ay inatasan siya ng babae na pumunta sa ika-5 palapag para umano kausapin ang isang tao pero nang umakyat ay sarado na ang mga opisina sa itaas at nang bumalik ay hindi na niya nakita ang babae.
Hindi naman pinaniwalaan ng biktima ang testimonya ng kasambahay pero ipauubaya na umano niya sa Manila Prosecutors Office ang kaso.