Maraming kababaihan ang sumang-ayon sa panukalang isinusulong ni dating Pangulo at ngayo’y Speaker Gloria Macapagal-Arroyo.
Ang panukalang batas ay magbibigay-daan sa kababaihan upang muling gamitin ang kanilang mga ‘maiden names’ o apelyido sa pagkadalaga sa mga kaso ng legal separation, presumptive death, pag-abandona at dissolution of marriage nang wala ng court order.
Ikinatuwa ng mga kababaihan ang panukala sapagkat magbibigay raw ito ng kalayaan para magkaroon sila ng sariling pagkakakilanlan.
“Malaki ang maitutulong ng maiden name bill. kasi pag annulled na kayo mare-regain mo na ‘yung self respect mo at hindi na magiging burden ito bilang individual dahil may kalayaan ka nang gamitin ang sarili mong apilyedo. Mayroon na ulit sariling identity ang mga babae,” pagsang-ayon ni Gigi Fodulla, 57-anyos.
Sumang-ayon rin si Jessette Tanglao, 47, residente ng Bacoor Cavite sa madaling proseso ng pagbabalik ng maiden surname ng mga kababaihan.
“I agree on that said bill para ma-lessen din ang burden ng mga kababaihan sa pag-process in case ma-annuled ang kanilang marriage,” paliwanag niya.
Ikinagalak rin ng biyudang si Dannah Verdan, 33, ang nasabing panukala.
“Ok siya para sa mga kababaihan kasi mas mapapadali ang pagiging single muli ng isang babae at makapaghanap ulit ng asawa,” saad ni Verdan.
Ayon kay Arroyo, bagama’t hindi sapilitan o mandatory ang paggamit ng apelyido ng asawang lalaki, walang batas na pumapayag upang muling gamitin ng babae ang kanyang maiden surname.
Ilan sa mga kondisyon upang payagang ibalik ang maiden name ng isang babae ay:
– Kapag ang kanyang kasal ay opisyal nang idineklara na null at void ayon sa batas o matapos ang annulment.
– Matapos ilabas ang isang judicial declaration of legal separation; kung sakaling walang nai-file na manifestation of reconciliation sa korte.
– Kung ang babae ay mapapatunayang inabandona na ng kanyang asawa nang hindi bababa sa loob ng sampung taon.
– Kung ang asawa ng babae ay hinihinalang pumanaw na base sa mga sirskumstansya at kondisyon ng Civil Code of the Philippines at ng Rules of Court.