Mailap na hustisya sa pinaslang na padre de pamilya

Nang suriin ng mga awtoridad ang numero ng makina ng Isuzu Highlander, pati na ang numero ng chassis nito, tumugma ang mga ito sa sasakyang pag-aari ng pinaslang na si Mario kaya’t kaagad nilang ini-impound ang sasakyan sa Cabanatuan city police.

Nang makarating sa kaalaman ni Shirley ang pagkakadakip sa pangunahing suspek at pagkakabawi sa kanilang sasakyan, kaagad siyang nagtungo kinabukasanng umaga, araw ng Huwebes, sa Cabanatuan city police station upang makumpirma kung nahuli na ang hinihinalang salarin.

Pagdating ng ginang sa naturang police station kasama ang mga kaibigan at kasamahan sa hanapbuhay ng pinaslang na mister, nakumpirma niya ang pagkakadakip sa hinihinalang suspek at pagkakabawi sa kanilang sasakyan.
Matapos ang pagsasa-ayos ng mga dokumento, naiuwi na rin ni Shirley noong araw ding yun ang kanilang sasakyan at habang nasa biyahe sila ay umaalingasaw pa ang masangsang na amoy sa loob nito kaya’t pagsapit sa kanilang tirahan sa Pulilan, Bulacan, kaagad siyang nagpatulong na malinis ito upang mawala ang hindi kanais-nais na amoy.

Nang isailalim sa masusing imbestigasyon ng pulisya ang nadakip na suspek, mariin niyang pinabulaanan ang akusasyon laban sa kanya at iginiit na ibinenta lamang sa kanya ng murang halaga ng magkapatid na Alex at Ricky Bautista ang Isuzu Highlander.

Gayunman, hindi na aniya niya makontak ang magkapatid at hindi niya alam ang kinaroroonan ng mga ito mula nang iwanan sa kanya ang sasakyan matapos siyang makapagbigay ng halagang P60,000 bilang paunang bayad.

Nang matapos ng pulisya ang mga kinakailangang dokumento, pati na ang pahayag ng mga testigo sa nangyaring krimen kabilang ang asawa ni Mario na si Shirley at ang medico-legal doctor na sumuri at nagsagawa ng autopsiya sa bangkay ng biktima, isinampa ng Cabanatuan city police ang kasong carnapping with homicide laban kay Fabian Urzais at sa magkapatid na Alex at Ricky Bautista sa Cabanatuan City Prosecutor’s Office.

Masusi namang sinuri ng tagausig ang mga isinumiteng papeles at dokumento bago ang paglalabas ng subpoena laban sa mga akusado upang kunin ang kani-kanilang panig sa akusasyong ibinibintang sa kanila.