Iginiit ng mga abogado ni Fabian na bagama’t may umiiral na panuntunan sa ilalim ng Section 3, Rule 131 ng Rules of Court na nagpapahayag na kapag nasa isang tao ang ninakaw na sasakyan ay maikokonsidera na siya rin ang pumatay sa may-ari nito, hindi naman ito matibay na basehan sa mga kaso sa hukuman,
Sinangayunan naman ito ng mga mahistrado ng Korte Suprema lalu na’t nabanggit sa usapin na ang tanging ebidensiya lamang ng tagausig ay ang pagkawala ng biktimang si Mario Magdato, ang pagkakatuklas sa kanyang bangkay at ang pagkakadakip kay Fabian habang minamaneho ang sasakyan ng pinaslang.
Wala ring nakita sa kabuuan ng usapin ang mga mahistrado na ninakaw ni Fabian ang sasakyan ng biktima lalu na ang akusasyon sa kanya na siya ang na siya may kagagawan ng pagpaslang.
Nasilip din ng mga mahistrado na walang iba pang nagpatunay sa pahayag ng testigong si SPO2 Figueroa kaugnay sa pagkakadakip kay Fabian sa isang police checkpoint sa labas ng AGL Subdivision habang minamaneho ang Isuzu Highlander na pag-aari ng pinaslang lalu na’t batay sa pahayag ng akusado, dinakip siya ng mga tauhan ng CIDG sa kanyang bahay.
Nakatawag-pansin din sa mga mahistrado ang mabagal na pagsagot ng testigo sa mga tanong ng abogado ni Fabian kaugnay sa kabuuan ng pangyayari dahil kailangan pa niyang suriin ang mga hawak na dokumento bago tumugon sa mga tanong.