Maraming kadahilanan kung bakit napakabagal ng sistema ng hustisya sa ating bansa at kahit sabihin pa na noon pa man ay gumagawa na ng mga paraan ang sangay ng hudikatura upang mabago ang umiiral na napakakupad na sistema, hanggang ngayon ay nananatili pang palaisipan kung bakit hindi ito naisasakatuparan.
Sa isang banda, hindi lamang ang mga naulilang pamilya ng isang biktima ng karahasan ang dapat bigyan ng tamang atensiyon kundi maging ang mga inaakusahan at kanyang pamilya lalu na kung may masisilip na buta ang hukuman sa mga inilalatag na ebidensiya ng mga tagausig laban sa kanya.
Maaaring isa ito sa mga dahilan kung bakit usad-pagong ang pagkakaloob ng hustisya sa mga nagiging biktima ng karahasan dahil kailangan ang dalawang mukha sa pagpapa-iral ng katarungan, hindi lamang sa naging biktima kundi pati na rin sa inaakusahan.
Hindi naman kasi lingid sa ating kaalaman na marami pa rin ang nagdurusa sa loob ng pambansang piitan sa kasalanang hindi nila ginagawa.
Ang iba nga ay nakamatayan na ang pananatili sa piitan at huli na para matuklasan na wala pala silang kasalanan sa krimeng ibinibintang sa kanila habang ang ilan ay uugod-ugod na o wala ng kakayahang magtrabaho pa bago tuluyang mapalaya matapos mapatunayan na hindi pala sila ang nakagawa ng krimen.
Ang masakit pa, karamihan sa mga napalaya matapos mapatunayang wala pala silang pagkakasala ay napapangakuan lamang ng tulong at benepisyo mula sa pamahalaan subalit hanggang sa huli ay nananatili lamang itong pangako.
Kahit saang anggulo suriin, ang kabagalan ng sistema ng hudikatura sa ating bansa ay nakaka-apekto, hindi lamang sa panig ng mga naging biktima ng karahasan kundi maging sa parte ng inaakusahan lalu na kung sa dakong huli ay mapapatunayan na wala pala siyang kinalaman sa pagpatay.