Mailap na hustisya sa pinaslang na padre de pamilya Part 5

Karaniwan na kasi na nagpapadala ng mensahe si Mario sa pamamagitan ng kanyang dalang cellular phone sa kanilang kapitbahay kapag ma-aantala ang pagdating lalu na’t wala namang mobile phone ang asawang si Shirley.

Nang lumaganap na ang dilim at hindi pa rin dumarating ang asawa, lumabas na ng bahay si Shirley at nagtanong-tanong sa mga kaibigan ni Mario kung may nakakita o nakaalam sa kanyang pinuntahan o kung saan napadpad ang asawa subalit isa man sa mga napagtanungan ay walang naging tugon sa kinaroroonan lalaki.

Nang gabing ‘yun, hindi na halos makatulog ang ginang dahil sa labis na pag-aalala sa asawa lalo na’t wala siyang ideya kung ano na ang nangyayari o kalagayan ng mister.

Kinabukasan, araw ng Miyerkoles ng Nobyember 13, hindi na hinintay ni Shirley ang pagputok ng araw at kaagad siyang nagtungo sa terminal ng mga pampasaherong sasakyan sa Pamilihang Bayan ng Pulilan upang magtanong-tanong.

Nakausap ni Shirley ang isa sa mga nagsisilbing barker o tagatawag ng pasahero sa mga nakapilang sasakyan at sinabi sa kanya na may lalaking umarkila sa sasakyang ipinapasada ng asawa patungong Maynila.

Bahagyang napa­natag ang kalooban ni Shirley sa sinabi ng barker bagama’t nais niyang makatiyak na nasa maayos na kalagayan ang asawa kaya’t pagdating niya sa kanilang bahay ay nakiusap sa kanilang kapitbahay na tawagan sa kanyang mobile phone ang mister.

Gayunman, sa kabila ng paulit-ulit na pagtawag ng kapitbahay sa cellular phone ni Mario, walang natanggap na tugon ang tawag kaya’t ipinasiya na lamang ni Shirley na hintayin sa kanilang bahay ang mister.

Dakong alas-10:00 nang umaga nang araw ding ‘yun ng Miyerkoles nang dumating sa bahay nina Shirley ang isa sa mga miyembro ng asosasyon ng mga tsuper sa terminal ng pamilihang bayan upang maghatid ng masamang balita.

Ayon sa kasamahan ni Mario sa asosasyon, may nakalap silang impormasyon na may nakitang bangkay ng isang lalaki na may tama ng bala sa ulo sa masukal at madamong lugar sa bayan ng Sta. Rosa sa lalawigan ng Nueva Ecija na may identification card na nakapangalan sa asawa ng ginang at tumutugma sa deskripsiyon nito

Hindi na nag-aksaya ng oras si Shirley at kasama ang miyembro ng driver’s association, nagtungo sila sa Sta. Rosa Police Station sa Nueva Ecija na nagsama sa kanila sa pune­raryang pinagdalhan sa natagpuang bangkay.

Mistulang pinagsakluban ng langit at lupa at halos panawan ng ulirat sa labis na pagdadalamhati si Shirley nang matunghayan sa pinagdalhang pune­rarya ang kalunos-lunos na sinapit na asawa na bukod sa tama ng bala sa ulo ay may palatandaan pang pinahirapan muna bago tuluyang pinatay.

Batay sa inilabas na resulta ng autopsiya sa bangkay ni Mario, isang tama ng bala ng hindi nabatid na kalibre ng baril ang tumama sa kanang sentido ng biktima na tumagos sa kaliwang bahagi ng ulo.