Dahil bihirang may mangyaring pagpatay at pagtatapon ng bangkay sa naturang lalawigan, naging masigasig ang kapulisan sa pag-TUGIS sa hinihinalang salarin at kaagad na naglagay ng mga police checkpoint sa iba’t ibang lugar sa pag-asang madakip kaagad ang mga may kagagawan ng krimen.

Nakatanggap naman ng impormasyon ang kapulisan hinggil sa kahalintulad na kulay at modelo ng sasakyan ng napaslang na biktima na madalas makita sa ALG Subdivision sa lungsod ng Cabanatuan kaya’t nagsagawa ang mga awtoridad ng surveillance operation sa lugar.

Sa labas din ng AGL Subdivision nag­lagay ng police checkpoint ang mga tauhan ng Cabanatuan City police na silang sumi­sita sa mga kahalintulad na sasakyan ni Mario na pumapasok at lumalabas sa naturang subdivision.

Nobyembre 20 ng taon ding ‘yun, araw ng Miyerkoles dakong alas-3:00 nang hapon nang magbunga ang inilatag na checkpoint ng pulisya sa labas ng AGL Subdivision matapos nilang mamataan ang isang Isuzu Highlander na kahalintulad ng kulay ng sasakyan ng pinaslang na biktima.

Walang nakalagay na license plate number sa unahan at maging sa likuran ang Isuzu Highlander at sa halip ay pinalitan ang plaka nito ng karatulang “For Sale” bilang palatandaang ibi­nebenta ang naturang sasakyan.

Pinahinto ng kapulisan ang lalaking nagmamaneho at inatasang bumaba ng sasakyan upang masuri ang minamaneho niyang Isuzu Highlander dahil kahalintulad ito ng naka-alarmang uri ng behikulo na tinangay sa pinaslang na biktima.

Nang bumaba ang lalaking nagmamaneho ng sasakyan, napuna ng pulisya ang nakabukol na puluhan ng baril sa kanyang baywang kaya’t inatasan siyang itaas ang kanyang suot na damit at dito tumambad sa paningin ng mga awtoridad ang nakasukbit na kalibre .9mm Norinco na baril na may 12 bala sa magazine.

Dahil dito’y isinailalim ang lalaki sa pag-arersto at binasahan ng kanyang karapatan sa ilalim ng umiiral na Miranda Doctrine matapos na mabi­gong maglabas ng mga kaukulang dokumento kaugnay sa karapatang magkaroon ng armas at magbitbit nito sa labas ng kanyang tirahan.