May mga bakas din ng tilamsik ng dugo sa pader sa loob ng apartment na posibleng dugo ng biktima nang tangkain nitong manlaban sa salarin.

Lumabas din sa pagsisiyasat ng Scene of the Crime Operatives­ (SOCO) na nagtamo ang biktima ng kabuuang 51 bilang ng mga saksak sa iba’t ibang parte ng kanyang katawan, kabilang na rito ang mga tama ng saksak niya sa braso na palatandaan ng panlalaban.

Naniniwala si Insp. Monsalve na tinangkang ipagtanggol ni Anne ang kanyang sarili laban sa salarin bagama’t nabigo siyang magtagumpay bunga na rin ng tinamong maraming saksak sa katawan.

Lumabas din sa imbestigasyon ni PO3 Jogene Hernandez, isa sa mga tauhan ng homicide section ng CIDU na humahawak sa kaso, na walang palatandaan na nagkaroon ng puwersahang pagpasok sa loob ng apartment ng biktima lalo na’t maayos ang kandado ng pintuan at hindi kinakitaan ng pagkasira sa alinmang parte ng pinto at bintana.

Isinasantabi rin ng mga imbestigador ang anggulong pagnanakaw na siyang motibo sa karumal-dumal na pagpatay dahil wala isa mang gamit ni Anne ang nawala.

Nakita rin ng mga imbestigador ang ilang bote ng alak sa ibabaw ng mesa na isang pala­tandaan na nakipag-inuman muna si Anne sa kriminal bago naganap ang pagpatay.

Sa loob din ng banyo ng naturang apartment nakita ng mga tauhan ng SOCO ang isinukang pagkain na posibleng sa biktima o sa salarin na palatandaang na lasing ang sinuman sa kanila.

Sa hindi naman kalayuan sa bangkay ay nakita ng mga pulis ang isang kutsilyo na may bahid pa ng dugo na posibleng ginamit ng salarin sa pananaksak at pagpatay sa dermatologist.

Anupa’t ang lahat ng mga palatandaan na tumutugon sa paniniwalang kilala ng biktima kung sino ang may kagagawan ng pagpatay ay nasilip nina Insp. Monsalve kaya’t sinimulan nila ang pagsisiyasat sa mga naging malalapit na kaibigan o kapitbahay ni Anne na posibleng may kinalaman sa krimen.

Sa kabila ng mga nakalap na pisikal na ebidensiya ng mga tauhan ng CIDU, nanatiling blangko ang kanilang pananaw sa sinumang may kagagawan sa nangyaring pamamaslang.

Ilang mga kaibigan at kaanak ni Russel o Anne ang naghihinala na posibleng isa rin niyang kalahi o homosexual na nagtanim ng malalim na inggit sa biktima ang may kagagawan o maaaring isang call boy na isinama niya sa pag-uwi ang pumaslang sa kanya.

Wala namang masilip na dahilan ang mga imbestigador kung bakit papaslangin pa ang biktima kung inggit lamang ang dahilan dahil napakababaw nito upang humantong pa sa malagim na pangyayari.

Hindi rin binigyan ng seryosong pansin ng pulisya ang posibleng pag-uuwi ng call boy ng biktima lalo na’t maraming nahuhumaling sa kanyang angking kagandahan at talino sa kabila ng pagiging isang transgender.