Nakawala pa rin ang mailap na gold medal sa Philippine swimming team, kinapos si James Deiparine sa final ng men’s 100-meter backstroke nitong Biyernes, at sa final din ng 50m breaststroke kagabi sa National Aquatic Center pool.
Sa 100m back, mukhang magtutuloy na sa gold ang 23-year-old Washington State native, pero sa last 5 meters ay dumating na humahagibis mula sa likod si Gagarin para agawin ang top podium ng event sa tiyempong 1 minute, 01.76 seconds.
Nagkasya si Deiparine sa silver sa 1:02.11 – best performance pa rin ng swimming squad sa unahan ng bronze nina Jasmine Alkhaldi at Roxanne Yu. Si two-time Olympian Jessie King Lacuna ay pumang-apat lang sa final ng men’s 400m individual medley sa tiyempong 4:27.06.
Second-placer lang din si Deiparine sa final ng 50m breast, hindi umubra ang 28.60 niya sa 28.25 ni Indra Gunawan ng Indonesia na kumampay ng gold.
Pang-apat lang si Alkhaldi (25.67) sa women’s 50m free final, sa likod nina Singaporeans Lim Xiang Qi Amand (25.41) at Quah Ting Wen (25.46), at Jenjira Srisa-Ard (25.63) ng Thailand.
Samantala, out na sa gold medal race ang PHL women’s volleyball team nang yumuko sa Thailand 25-21, 25-17, 25-17 sa MITEC Hall 11.
Muling haharapin ang Vietnam sa battle for bronze. Kinapos ang Vietnam sa Indonesia 18-25, 25-21, 29-27, 15-25, 15-13 sa isa pang semis pairing.