Main runway ng NAIA isinara

Labing-isang domestic flight at 11 international flight ang kinansela ang schedule ng paglipad matapos isara sa loob ng pitong oras ang main runway ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) para bigyang-daan ang ‘emergency pavement repair work’ kahapon ng hapon.

“It was because of the heavy rain with all those huge aircraft landing. There was a crack (on the runway). It was too damaged so they had to close it for safety reasons,” paliwanag ni CAAP spokesman Eric Apolonio.

“Please be advised that the NAIA runway will be closed from 4:00 PM–11:00 PM on July 18, 2016 (Monday) to give way to repair work on Runway 24,” ayon sa ipinalabas na Notice to Airmen na inisyu ng Ci­vil Aviation Authority of the Philippines (CAAP).

Nakasaad pa sa notice na ang mga flight na sakop sa mga nabanggit na oras ay maaaring ma-re-time, ma-divert o makansela.

Kabilang sa mga apek­tado ay mga eroplano ng Philippine Airlines at Cebu Pacific.
Ang ilang domestic at international flights ng PAL ay na-divert sa Clark Airport dahil sa repair work sa Runway 24. Umaabot naman sa 11 domestic flight ng Cebu Pacific ang kanselado at tatlo patungong Middle East.

Kumalat umano ang maliliit na bahagi ng mga crack sa runway na maa­ring mahigop ng makina ng eroplano kaya delikadong daanan ito.
Isang section umano ng runway na nilalapagan ng malalaking eroplano ang nagkaroon ng malaking bitak kahapon ng umaga kaya napilitang ipasara ito para ma-repair.

Ipinahayag naman ng NAIA na mahigit 40 departing flights ang made-delay o makakansela habang mahigit 60 incoming planes ang ida-divert ng lalapagan.

May pangalawa ngu­nit mas maliit na runway ang NAIA subalit wala itong landing lights at hindi maaaring makalapag ang malalaking jetliners kapag madilim na, ayon sa airport officials.