Mainam na maging handa

Nakakaalarma ang kumakalat na balitang pagtama ng malakas na lindol o tinatawag na ‘The Big One’ sa Metro Manila ngayong taon.

Bagamat wala pang teknolohiya na maagang makakapagsabi kung kelan magkakaroon ng lindol, aminado ang Philippine Volcanology and Seismology (Phivolcs) na hinog na ang Metro Manila sa isang malakas na lindol.

Dahil may inilabas na babala, mas mabuting maging handa, maging preparado upang mabawasan ang mas matinding epektong hatid sakaling mangyari ang hindi natin inaasahang kalamidad.

Dahil kailangang maghanda, unang-una na sa kumikilos ay ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) na ang mantra ngayon sa gobyerno para sa ‘The Big One’ ay Plan, Prepare, Pray and Practice.”

Bahagi ng paghahandang ginagawa ng DSWD ay ang pre-positioning ng mga relief goods sa mga warehouse na mapupuruhan ng lindol.

Saludo tayo sa pagiging maagap ng DSWD, nawa’y bumaba hanggang sa mga kabahayan ang paghahanda upang hindi tayo mabulaga sa posibleng epektong hatid ng pinangangambahang The Big One.

Ngayon pa lamang ay dapat na kumilos tayo. Dapat magkaroon ng sapat na kaalaman hinggil sa mga dapat gawin.

Pero kailangang maging aktibo rin ang gobyerno mula sa barangay level ng pagbibigay ng sapat na kaalaman sa taumbayan patungkol sa pinangangambahang malakas na lindol.

Kaakibat ng pagiging handa nating lahat ay pairalin pa rin ang pagdarasal upang mailayo ang ating bansa sa anumang trahedya lalo na ang The Big One dahil wala nang lalakas pa sa sama-samang pagdasal para makamit nating ang ating kaligtasan.