Maine ayaw maging plastik – Carlo

Hindi itinago ni Carlo Aquino ang pagkabilib sa husay ni Maine Mendoza, leading lady niya sa pelikulang “Isa Pa with Feelings”.

Panimula ni Carlo, “Isang deaf-mute ako sa movie, kaya sign language ang communication namin doon ni Mara, which is played by Maine.”

Aminado ang Kapamilya aktor na isa ito sa pinakamahirap na role na nagampanan niya.

“Sobrang hirap, kasi emotions kasi eh… tayo katulad nating may hearing, kapag nagagalit tayo, may tunog, ‘di ba? May tono, may lakas, may mahina… Kapag ganoon kasi ay facial expressions talaga ang ginagamit nila,” saad ng Kapamilya actor nang makapanayam namin sa Marque Mall last Sunday sa grand opening ng 88th at flagship store ng BeauteDerm na pag-aari ng CEO nitong si Ms. Rhea Tan.

Saad pa niya, “Sabi ko nga, nag-pilay na ako, nag-bulag na ako, pero ito ‘yung pinakamahirap talaga.”

Nabanggit ni Carlo na magaan na katrabaho at totoong tao si Maine.

“Sobrang gaan, sobrang sarap niyang katrabaho, ngayon ko napatunayan na magaling umarte si Maine. ‘Tsaka ang masarap, ‘yung nagbabatuhan kami ng ideas kapag nasa set. Kung ano ang magandang gawin para sa isang eksena, nagtutulungan din talaga kami.

“Kasi nga ang hirap talaga nang walang dialogue. Unang-una, kaya ko tinanggap ang project kasi sabi ko, ‘Uy, wala akong dialogue.’ ‘Yon pala mas mahirap, kasi kailangan ko pa rin i-memorize ‘yung lines, kailangan ko i-memorize ‘yung signs with facial expressions. Kaya sobrang laki ng tulong sa akin ni Maine.”

Pahabol pa ni Carlo ukol kay Maine, “She’s very transparent, kung ano ang nararamdaman niya ay ipapakita niya sa iyo. Hindi siya ‘yung magpapaka-plastic, transparent siya at ‘yon ‘yung alam mong isa sa mga totoong tao.”

Nagpasalamat din si Carlo sa suporta ng fans nila ni Maine, “Siyempre masaya, masaya at sana suportahan lang talaga nila, dahil maganda ‘yung pelikula namin. Hindi naman ako gumagawa ng pangit,” nakangiting saad ng aktor. (Nonie Nicasio)