Si Maine Mendoza nga ang tinutukoy ni Kris Aquino na makakasama niya nu’ng Miyerkules sa kanyang digital show.

Wala lang kaming ideya kung ano itong prog­rama ni Kris dahil sa Ins­tagram account lang niya kami nakakakuha ng impormasyon at ang iba ay mga kuwento-kuwento lang ng ilang taong malapit sa kanya.

Nu’ng Lunes ay ipinost niya sa IG ang mga gamit na nabili niya at excited daw siya sa makakasama niya sa Miyerkules na ang initials ng pangalan nito ay double M, mula sa clue niyang Milo raw ang paborito niyang milk-based energy drink at Maltesers daw ang paborito niyang tsokolate.

“Sa blind item, ‘yung naka-Caps normally are the initials of the person.”

Kaagad nahulaan ng followers niyang si Maine Mendoza ito.

Kamakalawa nang hapon ay ipinost niya ang kuha nila ni Maine sa UP Town Center na kung saan manonood sila ng kabubukas lang na Enteng Kabisote 10 and the Abangers.

Sabi niya, “We are #LIVE! I know you’ve pretty much guessed who MM is — #ThisIsReal #KrisMeetsMaine.”

Nasa FB Live ang kuhang iyun na ang daming nakapanood. Hindi namin sure kung ito na ang title ng digital show niya, ang FB Live o This is Real.

‘Enteng’ at ‘Guardians’, todo banggaan

Mahigpit na nagbanggaan sa takilya ang dalawang malalaking pelikulang The Super Parental Guardians at Enteng Kabisote 10 and the Abangers.

Parang nagsimula na ang Metro Manila Film Festival dahil sa sobrang dami ng mga tao sa mall kamakalawa.

Ang saya ng mga taong nanood dahil hindi na raw sila sumabay sa haba ng pila ng MMFF.

As of presstime,  hinihintay pa namin sa aming source ang figures sa first day earnings ng Enteng Kabisote 10.

Ang nakuha lang namin ay halos P65M daw ang totoong kinita ng TSPG.

Ang dami kasing nag-react sa press release ng Star Cinema na naka-P75M daw sila.

Aalamin pa natin kung ma-maintain nito ang pangalawang araw hanggang sa weekend.

Nakarating ito sa kampo ng Enteng Kabisote at wala pa silang naibigay na totoong kita ng  first day of showing nila, dahil kinu-confirm pa raw nila.

Dahil sa lakas ng dalawang pelikula, na-excite lalo ang mga taga-Regal Films dahil posibleng ganu’n din kapositibo ang box-office results ng Mano Po 7: Chinoy na magsu-showing sa December 14.

Sa December 9 ang premiere night nila sa SM Megamall, pero magkakaroon muna sila ng parada sa vicinity ng Megamall. Gusto ni Mother Lily na makapagparada sila dahil ngayon lang sila hindi makakasali sa Parada ng mga Bituin sa MMFF.

Kaya uunahan na rin nila ng parada.

***

Cong. Emmeline  Villar
Cong. Emmeline Villar

Sa Linggo, December 4, ay ilu-launch ng Diwa Party-list Representative na si Congresswoman Emmeline Aglipay-Villar ang bagong foundation nito, ang Hope for Lupus Foundation, na gaganapin sa Cultural Center of the Philippines.

Magkakaroon ng exhibit na pinamagatang ‘Lupus Warriors’ at musical play na Mabining Mandirigma ni Nicanor Tiongson sa pakikipag-partner ng University of Philippines-PGH’s Rheumatology Department.

Ang proceeds ng kikitain sa musical play ay mapupunta sa pondo ng bagong foundation nito na gagamiting pantulong sa mga pasyente ng Lupus.

Ibinahagi ni Cong. Emmeline Villar sa showbiz press ang pinagdaanan niya nang dapuan siya ng sakit na Lupus.

Ikinuwento rin niyang malaki ang nagawa ng sobrang stress kaya siya nagka-Lupus.

Kaya gusto niyang iparating sa lahat na mag-ingat, huwag magpaka-stress para hindi dapuan ng Lupus.

Matinding hirap ang pinagdaanan ni Cong. Villar sa naturang karamdaman, at malaki ang pasasalamat niya sa asawa niyang si DPWH Sec. Mark Villar dahil sa kabila ng naturang sakit, tinanggap siya, inalagaan at pinakasalan nu’ng 2014.

Nagkaroon pa sila ng isang baby, at itinuturing niyang miracle baby ang baby girl nila dahil nalagpasan niya at nailuwal ang baby kahit may Lupus ito.

Hanggang ngayon ay may Lupus pa rin si Cong. Villar, pero nama-manage na niya.

Gusto ni Cong. Emmeline Villar na umabot sa kamalayan ng lahat ang sakit na ito dahil ang iba ay hindi nila alam kung paano ang lunas nito at ang iba ay namatay na lang.

Kung mahirap ka at magka-Lupus, mahirap talaga. Kaya nabuo ang naturang foundation para sa sakit na Lupus para puwede silang makatulong sa mga pasyente na hindi kaya ang magpagamot sa naturang sakit.

“I’m very fortunate that I could afford the treatment, but a lot of people cannot.

“The reason why I wanted to do this foundation to raise awareness about Lupus because a lot of people don’t know about it.

“I don’t want a single person die because of Lupus, and I don’t want them to experience what I went through,” bahagi ng pahayag ni Cong. Villar.