Maine ‘di pa ipinakilala sa ama ni Arjo

ROMMEL PLACENTE: Sa ginawang pag-amin ni Arjo Atayde na exclusively dating na sila ni Maine Mendoza sa presscon ng pelikulang ‘Tol, siguradong mas lalong magagalit at magwawala ang mga AlDub fan. Baka lalo siyang i-bash at ang kanyang pamilya.

‘Pag sinabi kasing exclusively dating, ibig sabihin ay hindi sila pwedeng makipag date sa iba, ‘di ba? Sa tingin namin, papunta na ‘yan sa isang malalim na relasyon, na magiging sila na.

Kung ganyang hindi na kasi luma­labas o nakikipag-date sa iba si Maine, ibig sabihin ay gusto niya rin si Arjo. Naku, pag nagkaroon na nga ng relasyon sina Arjo at Maine mas lalong hindi ‘yun matatanggap ng AlDub fans. Patuloy pa rin kasing umaasa ang ilan sa kanila,na magkakaroon pa rin ng relas­yon sina Alden at Maine kahit gumawa na ng open letter si Maine para sa mga AlDub fan na hanggang loveteam at pagkakaibigan lang ang meron sila ni Alden. Paano naman kasi silang magkakaroon ng relasyon ng aktor kung hindi naman siya nililigawan nito? Siguro pagti­nging kaibigan lang talaga ang nararamdaman ni Alden kay Maine at ‘yun ang dapat tanggapin ng kanilang mga tagahanga.

MILDRED BACUD: True naman, friend Rommel. Wala pa ngang pag-amin ang nagaganap grabe na ang bash na natanggap ni Arjo. Maging ang pamilya niya ay nadadamay na rin. Paano raw na kinukunsinti ng inang si Sylvia Sanchez ang anak? Halata naman daw ginagamit lang ng aktor si Maine para sumikat.

Meron pa ngang bash na mayaman daw kasi ang aktres kaya ito ang pinupuntirya ng aktor.

Bagay na na­kaka­tawa dahil it’s a fact na mayaman ang pamilya nila Arjo. Nagkataon lamang na napunta sila sa pag-aartista ng kapatid na si Ria but showbusiness is not their bread and butter. Umabot pa pala sa puntong napaiyak si Ria sa pamba-bash ng mga fan ni Maine sa kanyang kuya.

In all fairness kay Arjo, nakagawa na rin siya ng sariling pangalan.

Nakalayo na sa anino ng ina. Nagsimula itong magkaroon ng markadong role sa FPJ’s Ang Probinsyano na nasundan pa ng maraming serye at ngayon ay pinag-uusapan na naman sa kakaibang pagganap sa seryeng ‘The General’s Daughter’. May pelikula rin siya, ang “Tol,” kasama sina Joross Gamboa, Ketchup Eusebio at Jessy Mendiola.

RODEL ­FERNANDO: Oo nga gra­be ang mga basher sa pamilya ni Arjo. Hindi lang kay Ria maski kay Sylvia ay ganun din. Sana naman tanggapin na ng ilang AlDub fan kung anuman ang kahihinatnan ng buhay pag-ibig ni Maine.

Pero teka kahit exclusively dating na sina Maine at Arjo. How true na ‘di pa ipinapakilala umano ni Arjo si Maine sa Daddy Art niya? Kapag sure at ser­yoso na raw sila talaga dun na ipakilala, ayon sa aming­ source.

Tingin ko naman ay sa seryosohan na papunta ito at magiging magkasintahan na ang dalawa sa nalalapit na panahon.

O, baka naman hindi natin alam na baka sila na at aamin na lang ‘pag naghiwalay na? Sana huwag namang ganu’n.

Speaking of Arjo, makakatapat ng pelikula nila sa takilya ang movie ni Robin Padilla na “Bato.. The Gene­ral Ronald Dela Rosa Story” at “Ang Sikreto ng Piso” nina Ariel Rivera at Gelli de Belen kasama ang kilalang fashion/jewelry designer at beauty queen na si Joyce Peñas Pilarsky.

Parang may mini film festival sa Janua­ry 30 at sino kaya sa tatlong pelikula ang aabangan at tatangkilikin? Basta ako sobrang curious ako kung ano ang sikreto ng piso kaya ito ang una kong panonoorin.

RONALINE AVECILLA: Naloloka na lang talaga ako sa mga pamba-bash ng mga AlDub fan sa pamilya Atayde. Hindi nila matanggap na in real life ay ‘di talaga magkakatulu­yan sina Alden at Maine. Hindi pa rin tumitigil ang mga AlDub fan kahit na nagpaalala na si Maine sa mga ito na magbigay ng respeto sa pamilya ni Arjo.

Pero totoo na ang datingan ng dalawa. Mabuti na rin na inamin na nila lalo na at madalas silang nakikitang nagdi-date sa iba’t ibang restaurant. Mukha rin naman kasing seryoso si Arjo kay Maine.

Well, kailangan lang din na mag-ready ni Arjo sa mas matindi pang pamba-bash sa oras na opisyal na nilang ianunsiyo na sila na. Ma­tindi kasi ang obsession ng mga fan sa AlDub.

Anyway, inaabangan na kung nakatulong ba ang pag-amin ni Arjo para kumita ang pelikula nilang ‘Tol sa Miyerkules. Makaalagwa kaya ito sa, ‘Sikreto ng Piso’ at sa movie ni Binoe?