Maine nagpa-tattoo kay Apo Whang-Od

Si Maine Mendoza ang bida sa “Biyaheng Broken-Hearted” na Holy Tuesday episode ng “Eat Bulaga” Lenten Specials.

Drama kung drama rin dito si Menggay kasama sina Paolo Bal­lesteros, Ruby Rodriguez, Anjo Yllana at ang co-host din nilang si Maureen Wroblewitz.
Guests sina Rafael Rosell, Jennica Garcia-Uytingco at Tommy Peñaflor, sa direksyon ni Ice Idanan.

Sey ni Ruby, tungkol ito sa letting go ng mga excess baggage at moving on in life.

Road trip ang peg ng episode na ito, na sa kanilang biyaheng Norte ay makikita ang magagandang scenery sa La Union, Benguet at Kalinga.

First time umakting ng model na si Maureen kaya sobrang ninerbiyos daw ang gandarang da­laga. Sa San Fernando, La Union kinunan ang mga eksena niya bilang may-ari ng isang ukay-ukay store.

Ang saya ng kuwento ni Paolo nu’ng dayuhin pa nila sa Buscalan, Kalinga si Apo Whang-Od kung saan nagpa-tattoo si Paolo. Ang dinig namin ay nagpa-tattoo rin si Maine sa famous at oldest mambabatok o tattoo artist ng Kalinga.

Chika ni Paolo roon sa napanood naming visual diary ng “EB,” ang hirap mag-hiking sa bundok dahil makitid lang ‘yung mga nilalakaran nila.

Ang ginawa raw ni Pao ay tinuloy-tuloy niya ang paglalakad dahil mas mahihirapan siya kung hihinto pa siya para magpahinga. Ayun, nang makapanhik sa tuktok, pati kaluluwa raw niya ay sumakit.

Doon sa may kabundukan ng Banaue nag-Dalagang Pilipina challenge sina Maine at Paolo na sobrang patok sa netizens.

Bilang Holy Week na ay bakasyon grande na ang Dabarkads at next week na ang balik nila para sa live show ng “Eat Bulaga.”
***

Jose mahusay magpaiyak

Puring-puri ni Ricky Davao sina Vic Sotto at Jose Manalo na first time niyang naidirek pareho sa isa sa tatlong TV movies na tampok sa “Eat Bulaga” Lenten Specials this year.

Sa Taketa sa Oita, Japan pa kinunan ang “Ikigai (Buhay ng Buhay Ko)” na pinagbibidahan nina Bossing at Jose, kasama sina Allan K, Jimmy Santos, Pauleen Luna, Luane Dy at Ryzza Mae Dizon.

Kuwento sa amin ni Kuya Ricky, bilib siya sa galing mag-drama ni Vic dahil hindi lang daw ito basta umaakting kundi genuine emotions ang pinapakita nito at willing itong maging vulnerable sa mga madamdaming eksena.

Hanga rin siya sa pagiging generous actor ni Bossing, na willing itong ibigay ang moment kay Jose at wala itong anumang insecurity sa katawan.
Sobrang impressed din ang premyadong actor-director kay Jose, na napakahusay daw magpaiyak at hindi lang pala sa pagpapatawa maga­ling. Ang bilis daw umiyak ni Jose at ang lalim nito kung humugot.

Dahil sa experience niya sa dalawa ay gusto raw mapanood ni Kuya Ricky sina Bossing at Jose sa isang seryosong pelikula na maha-highlight ang kanilang pagiging dramatic actors dahil talagang namangha siya sa mga ito.

Kinarir nila ang shoot nila sa Oita kahit malamig ang panahon nu’ng nandu’n sila. Pinakita raw ni Kuya Ricks ang magagandang location doon para talagang sulit ang pagdayo nila sa Japan para sa episode na ito.

Sa Miyerkoles mapapanood ang nakakaantig na kuwento ng “Ikigai” (na ang English translation ay “a reason for being”).
***

Ryan, Wally ‘di nagpakabog sa dramahan kay Alden

Ang “Bulawan” episode nina Alden Richards, Joey de Leon, Wally Bayola, Ryan Agoncillo, Pia Guanio, Kenneth Medrano at Baeby Baste ang unang mapapanood sa “Eat Bulaga’ Lenten Specials simula ngayong Lunes Santo.

Ginto ang ibig sabihin ng bulawan, na istorya ng tatlong friends na masusubok ang pagkakaibigan.

Sa General Santos City nag-location ang grupo at ang direktor nila ay si Real Florido.

Sa GenSan port ay naranasan nilang magbuhat ng mala­laking tuna na pang-export. Ang bibigat daw pala nito, sabi ni Wally. Pati si Tito Joey ay nakibuhat din ng tuna.

Siyempre, ina­abangan ang dramatic moments dito ni Alden, na madalas manalo ng acting awards na binibigay sa “EB” Dabarkads tuwing Semana Santa.

Ang Mommy Sheila ni Baeby Baste ay sobra-sobra ang pasasalamat na doon sa kanilang lugar nag-shoot ang episode ng Lenten Special ang “Eat Bulaga.”

Sabi ni Mommy She, tuwang-tuwa ang lolo ni Baste at ang mga labo­rer nila roon sa GenSan dahil naging parte ang mga ito ng telemovie na kinunan doon. Forever daw ite-treasure ng mga taga-GenSan ang moment na ‘yon.

May eksenang sumakay ng bapor sina Alden, Ryan at Wally, pero bukod sa dagat ay me­ron ding aerial shot dahil mukhang may paragliding scene si Alden.

Gaya ni Jose ay hindi rin pakakabog sa dramahan si Wally, ganu’n din si Ryan.