Mapa-droga at mina, maging posisyon sa gobyerno — lubhang napakainit ng panahon.
Himayin ang laman ng peryodiko, pakinggan ang balita sa radyo at panoorin ang newscast sa telebisyon — magkakadugtong ang kuwento; kundi droga, kaliwa’t kanang akusasyon at sibakan sa mga ahensiya.
Sa usapin ng mining, good news sa mga taga-Romblon ang pagkakatalaga ni Pangulong Rodrigo Duterte kay DENR Sec. Gina Lopez, siguradong bantay-sarado ang Sibuyan Island sa mga mandarambong at nanggagahasa ng bundok sa aming lalawigan.
Kamakailan lang, dalawang minero ang nasawi matapos madaganan ng malalaking tipak ng bato at natabunan ng gumuhong lupa sa Brgy. Dulangan, Magdiwang Romblon.
Ang Magdiwang ang tinaguriang ‘mining town’ ng probinsiya at ilang taong pinagkakitaan ng mga naglipanang kurimaw.
Ngayong mainit ang usapin sa mining — malamang dinadaga sa dibdib ang mga may-ari ng small-scale mining tenement rights sa Romblon province at kung tama ang direksyon ni Gina Lopez, aba’y makatwirang magpatupad ng “name and shame campaign” katulad sa anti-drug campaign ng pamahalaan.
Ang Sibuyan ang binansagang ‘Last Frontier of Biodiversity’ at kung hindi papangalagaan ng pamahalaan, ano pang silbi ni Gina Lopez na halos ituring na ‘Anak ng Romblon’ dahil matiyagang binantayan ang Sibuyan Island kahit wala pang pinanghahawakang posisyon sa Malacañang.
***
Naiipit sa nag-uumpugang bato ang publiko, sa pagitan nina Pangulong Rodrigo Duterte at Senadora Leila de Lima. Malalim ang ‘hugot line’ ng magkabilang kampo; ang masakit — iisa lang ang talo, walang iba kundi ang taumbayang nakikisawsaw sa isyu at naguguluhan sa mga kuwento.
Tumanda sa public service sina Duterte at De Lima kaya’t ayokong husgahan ang mga isyung ipinupukol ng bawat isa; tanging senadora ang nakakaalam sa mga personal attack.
Ang tanong: kailan magwawakas ang teleserye sina Duterte at De Lima? Anong “ending” ang sinusundan ng Malacañang?
Nagkasanga-sanga ang akusasyon laban kay De Lima, pinaka-latest ang pagkabanggit ni Duterte kay dating MMDA Chairman Francis Tolentino bilang promotor sa kuwentong merong ‘special request’ ang lady solon sa panahong nakaupo sa DOJ para gawing body guard/escort ang isa sa mga dating tauhan na ngayo’y itinuturong ‘lover’ ng mambabatas.
Anuman ang motibo ni Tolentino sa kuwentong ipinukol ni Duterte laban kay De Lima, wala ring mapapala ang dating MMDA chairman lalo pa’t hindi awtomatikong ipapalit sa lady solon kapag humantong sa senaryong matatanggal ang mambabatas kahit pa merong inihaing election protest sa Senate Electoral Tribunal (SET).
Ibang usapin ang electoral protest ni Tolentino bilang No. 13 sa senatorial race sa nakaraang halalan — ito’y walang epekto kay De Lima (No.12) kahit pa masibak na imposibleng mangyari dahil ebidensiya ang batayan sa isyung sangkot sa illegal drugs, as in malabo ang pang-iintriga ng dating MMDA chairman.
Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.” (Twitter: follow@dspyrey)