Patuloy na umiinit ang bangayan ng mainstream media at social media bloggers kaugnay sa coverage kay Pangulong Rodrigo Duterte.
Nag-ugat ang lahat sa pinirmahang Department Order No. 15 ni Presidential Communications Secretary Martin Andanar o ang interim social media practitioner accreditation na nagpapahintulot sa bawat indibidwal na 18-anyos pataas na may social media page na may tinatayang 5,000 followers na magpartisipa sa mga aktibidad ni Pangulong Duterte.
Partikular na nasasangkot sa bangayang ito ay ang Malacañang Press Corps (MPC) na siyang pangunahing nakatoka sa pagko-cover sa mga aktibidad ni Pangulong Duterte sa loob at labas ng bansa.
May ilan kasing nagko-cover mula sa mainstream media ay hindi sang-ayon sa desisyong ito ni Secretary Andanar.
May kani-kanya silang mga kadahilanan na mga lehitimo naman, in fairness sa MPC.
Pero ‘ika nga kailangan nating tumanggap ng pagbabago.
Unang-una dahil sa pagbabago ng panahon bukod pa sa talagang dumami ang social media practitioners na binigyang pansin ng gobyernong ito.
Hindi lang binigyang pansin kundi, nangibabaw pa, at sa katunayan napuwesto pa sa gobyerno sa katauhan ni Assistant Secretary Mocha Uson.
Dahil weder-weder ‘ika nga ni Kuya Kim Atienza, ibigay natin sa kanila ang entablado, bigyan natin sila ng pagkakataong tumulong sa gobyernong ito huwag lamang sanang umabuso.
Nakakalungkot kasi na sa kasagsagan ng hindi pagkakaunawaang ito sa isyu ng pagbibigay karapatan sa social media practitioners na ikober si Pangulong Duterte sa Malacañang at sa iba pang lugar kung saan may aktibidad ang Pangulo ay may ilang pro-Duterte na sumawsaw sa isyu.
Dahil nariyan na ‘yan at pirmado na ng kinatawan ng gobyerno, ang hangad lamang natin ay istrikto itong maipatupad upang hindi malagay sa alanganing sitwasyon ang seguridad ng ating Pangulo, gayundin ang mainstream media na makakasama ng mga social media practitioners sa iba’t ibang coverage.
Higit sa lahat ay huwag sanang magamit ang oportunidad na ito ng ilang social media practitioners na malapit sa gobyerno sa kanilang pansariling interes.