Maintenance shutdown ng MRT-3

Eksakto naman sa pag-anunsyo sa 1-linggong maintenance break sa operasyon ng Metro Rail Transit-3 (MRT-3), nadiskaril na naman kamakalawa ang isa nitong tren.

Umusok at lumiyab pa nga ang ilalim nito kaya apura­hang pinababa ang mga pasahero sa gitna ng riles.

Tsk, tsk! Mukhang kailangang-kailangan na nga ang malawakang pagkukumpuni at rehabilitasyon ng MRT-3.

Sa anunsyo kamakalawa ng Department of Transportation (DOTr), sa buong Semana Santa ay suspendido ang revenue operations ng naturang linya ng e-train.

Simula ito sa Abril 15 (Lunes Santo) hanggang Abril 21 (Easter Sunday).

Sasamantalahin na ng ahensiya ang pagbabakasyon sa probinsya ng mga taga-Metro Manila at ang mahabang bakasyon sa trabaho at eskuwelahan.

Gayunpaman, humihingi pa rin ng dispensa ang DOTr sa mga MRT rider na mapeperwisyo ng isang linggong suspensyon ng biyahe.

Ito na raw kasi ang pinakapaborableng panahon dahil tuwing Holy Week ay magaan din ang sitwasyon ng trapik sa Metro Manila, kabilang ang EDSA na siya ring linya ng MRT-3.

Kahit paano ay hindi raw gayon kabigat ang perwisyo sa mga pasahero.

May punto naman. Kailangan din talaga ang sakripisyo sa parte ng mga mananakay alang-alang sa mas maayos at ligtas na biyahe sa MRT-3.

Kasama raw sa mga tatrabahuhin sa 1-week maintenance shutdown ng MRT-3, sabi ng DOTr, ay rail grinding, rail cascading, replacement of turnouts, structural testing at iba pang general maintenance activities sa mismong mga tren, sa electrical system at iba pang subsystems.

Ipinapangako naman ng ahensiya na pagkatapos nito ay makakaasa raw ang publiko ng mas episyente at mas ligtas na mga biyahe ng tren.

Tiyak namang aasahan ito ng riding public. Sana nga ay hindi lang salita ang pangakong ito.