Dahil sa pag-atake ng “fall army worm” o mga peste, napinsala ang mga panamin na mais sa ilang hektarya sa mga probinsya ng Isabela at Nueva Vizcaya, ayon sa Department of Agriculture-Region 2 (DA-R2).

Ayon kay DA-R2 officer Ruberto Busania, nitong buwan ng Hunyo 2019 nang maitala sa bayan ng Piat, na sinundan ng ibang bayan sa probinsya, maging sa Isabela at Nueva Vizcaya, ang pag-atake ng nasabing peste.

Sabi ni Busania, nasa 41 hektarya ng mais ang naapektuhan ng fall army worm sa nasabing rehiyon, ngunit tiniyak na kontrolado na ito ng DA-R2.

Aniya, sa pamamagitan ng mga biocontrol agent at chemical pesticide , pati na suportang binigay ng mga lokal na gobyerno, nakokontrol na nila ang pag-atake ng nasabing peste na laking perwisyo aniya sa mga corn farmer.

Ayon kay Busania, bagama’t mayroon pang maaani mula sa 41 ektaryang napeste, hindi na umano ito gaanong kalaki, tulad ng inaasahang maaani ng mga magsasaka.

Samantala, naniniwala ang kalihim na nanggaling ang nasabing peste sa ibang bansa, kung saan maaaring naisama ito sa mga na-iimport na mga kalakal.

Kaugnay nito, patuloy ang ginagawang surveillance ng kanilang ahensiya sa ibang lugar para masugpo ang pagdami ng nasabing peste sa kanilang rehiyon. (Allan Bergonia)