Ang pagpapalutang na walang eleksyon sa 2019 at term extension ang posibleng humadlang sa balaking amyendahan ang Saligang Batas na naglalayong palitan ang kasalukuyang sistema tungo sa federalism.

Masyadong garapal naman ang mga mambabatas na kaalyado ng administrasyon na posibleng wala nang eleksyon sa 2019.

At higit na kakapalan din ng mukha ay ang pagsusulong na term extension sa lahat ng opisyal ng gobyerno mula sa Pangulo hanggang sa opisyal ng barangay.

Buti naman at maaga nang lumutang ang posibilidad na walang eleksyon at term extension.

Nabuking tuloy ang maitim o masamang balak ng mga mambabatas na kaalyado ni Pangulong Duterte.

Masyadong garapalan ang gustong mangyaring ito sa pangunguna ni House Speaker Pantaleon Alvarez na walang eleksyon at madaliin na ang pagpapalit ng sistema ng gobyerno na federalism.

Mabilis na maaaprubahan talaga ang panukalang charter change (ChaCha) dahil lubos na makikinabang dito ay ang mga politiko dahil wala nang gastos kung walang eleksyon at manana­tili pa sa puwesto nang walang kahirap-hirap.

Tama talaga si Vice President Leni Robredo na hindi dapat ipagpaliban ang eleksyon sa 2019 dahil ito na lamang ang nalalabing karapatan ng mga Fili­pino sa pagboto at pagpili ng nais na maluklok na opisyal.

Hindi rin tama ayon kay VP Leni na kung mayroong term extension ay makinabang ang kasalukuyang mga naka puwesto.

Ipinaliwanag ni Robredo na kung ta­lagang nais na mapa­haba ang termino ng mga opisyal ng gobyerno ay hindi dapat makinabang ang kasalukuyang nakapuwesto at sa halip ay ang mga susunod na mahahalal sa tungkulin.

Ang pinakamainam ngayong gawin ng taumbayan ay maging mapagbantay dahil baka malusutan tayo dito.

Tiyak na gagawin ang lahat ng paraan ng mga politiko upang maisulong ang federalism kapalit ng no elections at term extension na isang malinaw na pansari­ling interes.