NI: ARCHIE LIAO

Sa #Kwentuhanlang session ng Lockdown Cinema, nagbahagi si Maja Salvador ng kanyang naging karanasan habang ginagawa niya ang romantic movie na I’m Drunk, I Love You . Katambal niya dito si Paulo Avelino.

Sa naturang pelikula,ginagampanan niya ang role ni Carson,ang babaeng may lihim na pagtatangi kay Dio (Paulo), ang kanyang best friend.

Si Kakai Bautista ang moderator ng show na layuning makalikom ng pondo para sa displaced film workers.

Bukod sa director nitong si JP Habac ,kasama rin sa tsikahan ang cast members nitong sina Dominic Roco at Jasmine Curtis.

Aminado si Maja na para maitawid niya ang isang eksena ay kailangan niyang maglasing kasama si Dominic na gumaganap na gay best friend niya.

Hirit niya,kapag nagwawalwal daw siya ay doon siya nagiging madulas,lumalakas ang loob at pinakakawalan ang pagi-ingles.

Bilang Carson, nakaka-relate rin daw siya sa kanyang karakter bagamat sa tunay na buhay ay may pagkamainipin daw siya .Hindi siya nag-i-stay sa isang relasyon pag na-feel daw niyang walang patutunguhan ito at hindi worth na ipaglaban.

Sa madaling salita, hindi raw siya iyong tipong magpapaka-martir sa isang relationship lalo na kung hindi rin ito nasusuklian nang tama.