NI: ARCHIE LIAO

Ayon kay Maymay Entrata, sobrang bilib siya kay Maja Salvador pagdating sa acting.

Ito ay kanyang ibinahagi nang maging panauhin siya sa #ExtendTheLove series presents Actors’ Cue kung saan ang magaling na director na si Adolfo Alix, Jr. ang naging moderator.

Sobra raw siyang naa-amaze kay Maja pagdating sa pagpo-portray at pagsasapuso ng mga karakter na ginagampanan nito.

Katunayan, naging saksi raw siya sa transformation nito.

Habang nasa dressing room daw ito ay masayang-masaya ito at tawa nang tawa pero noong mag-start na raw mag-roll ang kamera, ang bilis daw nitong maka-immerse agad sa kanyang karakter.

Para raw siyang nakakita ng isang babaeng sinapian dahil hindi na si Maja as a person ang nakita kundi si Maja bilang artista.

Kapag daw nasa harap na ng kamera si Maja, inaangkin na raw talaga nito ang kanyang karakter na malayong-malayo sa kanyang tunay na persona.

Ayon pa kay Maymay, bilang baguhan, gusto niyang maging versatile na aktres tulad nina Kathryn Bernardo, Maja Salvador at Dimples Romana.Sila ‘yung nakapagbida na sa mga teleserye at marami nang napatunayan bilang artista.

Ang ExtendTheLove series ay isang online show na layuning makalikom ng pondo para sa displaced workers na apektado ng pandemya sa showbiz.