Maja, Pia bagsak sa ‘Darna’

Ngayon at bukas ang pa-audition ng Star Cinema, Star Magic at Star Hunt para sa millennial Darna na papalit sa nag-backout na si Liza Soberano.

Tiyak na dadagsain ang Audience Entrance ng ABS-CBN sa QC ng kababaihang susubok kung makakapasa sila bilang bagong Pinay superhero.

Ang requirement ay 20 to 26 ang edad, at least 5’5” ang height, may acting experience, fluent mag-Tagalog at physically fit.

Kaya raw da­pat early 20’s ang edad ay dahil coming-of-age story ang bagong Darna movie na ito.

So ibig sabihin, hindi na pasok si Maja Salvador na 30-anyos na. Laglag na rin si Pia Wurtzbach na 29-anyos na, at maging si Yam Concepcion ay out na sa usapan dahil 28-anyos na ito.

Kahit ‘yung mga nagla-lobby sa Kapuso actress na si Jennylyn Mercado, hindi na rin puwede dahil 31-anyos na si Jen.

At kahit pa sabihing open ang audition para sa lahat, maging sa Kapuso stars, siyempre ay malabong mapili rito ang mga taga-kabilang istasyon dahil ABS at Star Cinema project ito.

Tila pinakamarami ang nagpu-push kay Nadine Lustre, na in fairness ay pasok na pasok sa banga dahil 25-anyos si Nadz at 5’5” ang height.

Ang pabirong nag-audition for Darna na si Julia Barretto ay puwede rin actually, dahil 22-anyos si Julia at 5’5” din ang height.

Wala raw katiyakan na sa nasabing pa-audition manggagaling ang mapipi­ling Darna.

Pero at least ay may chance ang publiko, meaning ang kahit na sino, na maipakita kung anong meron sila at ma-impress ang hurado kung sila ang mas karapat-dapat mapili kesa ang mga kilalang celebrity.

Ang magdidirek ng “Darna” movie na si Direk Jerrold Tarog ay meron daw sariling shortlist ng mga aktres na gusto niya, pero hindi ni-reveal ni direk kung sino-sino ang nasa listahan niya.

Hirit ng ilang malditang netizens, hina-hype lang daw ito ng ABS-CBN na kunwari ay may open audition, pero artista ng Star Magic pa rin daw ang mapipili in the end.

Sey pa ng mga faney, ito na yata ang pelikula na may pinakamahabang promo! PAK!!
***

Michael V, Dawn problemado

Natupad na sa wakas ang pangarap ni Michael V. na magdirek ng pelikula.

Noon pa niya itong binabalak gawin, pero laging hindi natutuloy. Ngayon ay na-fulfill na ang dream niya na ‘yon sa “Family History” na siya rin mismo ang sumulat.

So far ay very satisfied si Bitoy sa mga nakunan nilang eksena at happy si Bitoy dahil vision niya talaga ito.

Ang dami niyang inaral at ni-research bago niya sinimulan ang pagdidirek ng kanyang first full length feature for the big screen.

Nakapagdirek daw siya dati ng music videos at nu’ng minsang mag-taping sila sa Amerika ay dinirek niya ang isang episode ng “Pepito Manaloto” nang ma-delay sa pagda­ting doon ang crew ng kanilang show.

Ngayon lang talaga magdidirek ng movie ang batikang comedian-TV host kaya sobra siyang excited para rito.

Isa sa top choices ni Bitoy si Dawn Zulueta para maging leading lady niya sa pelikula dahil bukod sa ito ang pinakabagay sa role ay never pa sila nagkatrabaho.

Family drama with touches of comedy ang description ni Bitoy sa “Fami­ly History” na may feels ng mga Dolphy movie noong araw na iiyak ka at tatawa sa mga eksena.

Sa istorya ay problema­tic ang relationship nila ng wife niyang si Dawn, tapos ay merong magkakasakit sa pamilya. Anak nila rito si Miguel Tanfelix na nobya si Bianca Umali.

Sa June ang target showing ng “Family History” mula sa GMA Pictures (bagong sangay ng GMA Films) at Mic Test Entertainment, na sari­ling production company ni Bitoy katuwang ang misis niyang si Carol Bunagan.